UPANG palakasin ang manpower ng Public Attorney’s Office (PAO) at tugunan ang kakulangan ng mga ito sa mga korte sa buong bansa, ay inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng 178 bagong public attorney positions.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, partikular na nilikha ang mga posisyon na 56 public attorneys II at 122 public attorneys I sa PAO sa ilalim ng Department of Justice (DOJ).
Ito ay mangangailangan ng P336-M taon-taon.
Ang mga karagdagang posisyon ng public attorney na ito ay magpapahusay sa kahusayan at bisa ng PAO sa paghahatid ng mga serbisyong legal sa publiko, anuman ang kanilang katayuan sa ekonomiya.
“These additional public attorney positions will enhance the efficiency and effectiveness of the PAO in delivering legal services to the public, ensuring that every Filipino, regardless of their economic status, has access to justice and representation they deserve,” Sec. Amenah Pangandaman – DBM
Sa ilalim ng Section 3 ng Republic Act No. 9406, iniaatas ang pagbibigay ng libreng legal na representasyon, tulong, at payo sa mga Pilipinong higit na nangangailangan, sa mga kasong kriminal, sibil, paggawa, administratibo, at iba pang quasi-judicial na kaso.
Ang pagbibigay ng mga karagdagang posisyon para sa mga abogado ay magpapahintulot sa PAO na mas mahusay na pangasiwaan ang tumataas na pangangailangan para sa legal na representasyon at serbisyo sa bansa.
Ilalagay ang mga posisyon ng public attorney sa ilalim ng district offices ng PAO sa mga rehiyon.