MAS maraming silid-aralan pa ang itatayo sa iba’t ibang paaralan matapos aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng P303.5-M para sa pagtatayo ng karagdagang 120 silid-aralan sa 21 na mga site sa buong bansa.
Inaprubahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang joint request ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Education (DepEd) para sa pagpapalabas ng naturang pondo.
Binigyang-diin ng Kalihim ang pangangailangang palakasin ang sektor ng edukasyon bilang mahalagang salik sa pagtataguyod ng social at human development ng bansa.
Dagdag pa ni Pangandaman, ang edukasyon ay isang pagkakataon para sa bawat Pilipino na mapabuti ang kalidad ng buhay.
Ang pagpapalabas ng mga kinakailangang pondo, ayon sa DBM chief, ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na pahusayin ang education facilities upang lumikha ng magandang learning environment para sa lahat ng mga mag-aaral, kabilang sa mga malalayong lugar sa bansa.
Ang rekwes para sa pagpapalabas ng pondo sa ilalim ng Basic Education Facilities (BEF) Batch 2 para sa Calendar Year (CY) 2023 ay naaprubahan matapos makumpleto ang requirements kasama ang listahan ng mga paaralang inaprubahan ng DepEd Undersecretaries for School Infrastructure and Facilities, and Finance; Budget Execution Document No. 1-Financial Plan; Physical Plan; and Monthly Disbursement Program.
Ang kabuuang awtorisadong appropriation para sa Special Provisions sa FY 2023 DepEd budget na P15.7-B ay iniimplementa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kabilang dito ang P15.6-B para sa pagtatayo, pagpapalit, at pagkumpleto ng mga gusali ng kindergarten, elementarya, at sekondarya gayundin ng technical vocational laboratories, at iba pa.