Pagpapatupad ng mga polisiya laban sa paggamit ng vape at sigarilyo sa mga paaralan, paiigtingin—DOH

Pagpapatupad ng mga polisiya laban sa paggamit ng vape at sigarilyo sa mga paaralan, paiigtingin—DOH

SA kabila ng mga umiiral na batas na nagbabawal sa pagbebenta ng vape sa mga menor de edad, marami pa ring bilang ng mga kabataang nalululong sa paggamit nito.

Ayon sa mga eksperto sa kalusugan, ang paggamit ng vape ay hindi ligtas at maaaring magdulot ng seryosong epekto sa baga, utak, at pangkalahatang kalusugan ng kabataan.

Kaugnay nito, ang Department of Health ay hihigpitan ang pagpapatupad ng mga umiiral na batas upang maprotektahan ang kalusugan ng mga kabataan at maiwasan ang mas malalim pang epekto ng mga bisyong ito.

Tinutukoy dito ni DOH Secretary Teodoro Herbosa ang mga regulasyong ayon sa batas ukol sa pagbabawal ng pagbebenta at paggamit ng vape at sigarilyo sa mga kabataang wala pang 18 taong gulang.

‘’Alam ninyo naman iyong mga pumapasok pa sa ating mga paaralan ay below 18 pa iyan. So, dapat hindi sila nakakahawak at nakakagamit nitong vape o vape products na ito,’’ ayon kay Sec. Teodoro Herbosa.

Dapat mahigpit din, aniya, ang implementasyon ng 100-meter no-vape zones sa paligid ng mga pampublikong paaralan at hindi na rin dapat pinapayagan ang mga estudyanteng magdala ng vape products sa loob ng paaralan.

‘’Kasi ang nangyayari doon paglabas na paglabas ng eskwelahan doon sila nagbi-vape nakikita mo nakatayo sila sa labas ng mga public school at nagbi-vape iyong ating mga kabataan. Hindi nila alam masama ito sa kanilang kasulugan, so kailangan maipagbawal na rin siguro ang pagdala nitong mga vape implements sa loob ng paaralan, ganoon din ang sigarilyo, ganoon din ang alak at droga,’’ saad ni Herbosa.

Sinabi niya na isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng “Healthy Learning Institutions Program” ng DOH ay ang pagtutok sa disiplina sa kalusugan, kabilang na ang pag-iwas sa paggamit ng vape, sigarilyo, alak, at droga.

Bukod dito, nakatuon din ang nasabing programa sa aspeto ng tamang nutrisyon at regular na ehersisyo.

Sa bahagi ng tamang nutrisyon, ayon kay Herbosa, ituturo sa mga kabataan ang kahalagahan ng pagkain ng masustansiyang pagkain tulad ng gulay at prutas. Hinihikayat din ang pag-iwas sa labis na pagkain ng fast food, habang ipagbabawal ang pagbebenta ng softdrinks at matatamis na inumin sa mga paaralan.

Binigyang-diin din ng kalihim ang kahalagahan ng ehersisyo bilang bahagi ng kalusugan, kabilang na rito ang pagpapalakas ng physical education at iba’t ibang sports activities sa mga paaralan.

Ito’y lalong nagiging mahalaga sa panahon ngayon, kung saan maraming kabataan ang nalululong sa paggamit ng social media sa halip na makilahok sa mga aktibong pisikal na laro at gawain.

 ’So, iyong pagpapalawig ng sports lalo na sa panahong ito nalululong iyong ating mga kabataan sa scrolling sa social media, imbes na magkaroon ng aktibo na mga laro ay napupunta lang sa—nakaupo at nagso-social media. So, very important iyong tinatawag nating mga sport activities, so iyong ehersisyo,’’ dagdag nito.

Umaasa naman ang DOH na maging bahagi rin ang mga pribadong paaralan sa programang Healthy Learning Institutions, upang masiguro na ang lahat ng kabataan — hindi lang sa pampublikong paaralan — ay lumaki na malusog at may tamang kaalaman sa kalusugan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble