Pagpatutupad ng alert level system, maganda ang naging resulta —MMDA

Pagpatutupad ng alert level system, maganda ang naging resulta —MMDA

IKAPITONG araw na ngayon ng pagpapatutupad ng pilot testing ng GCQ Alert level System sa Metro Manila at ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na naging maayos ang pagpapatupad nito sa NCR.

Base sa datos ng Department of Health (DOH) ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos patuloy na bumababa ang mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Mula sa 19.83% growth rate ng impeksyon, bumaba ito ngayon sa 12.88% sa nakalipas na linggo.

Ibinahagi rin ng OCTA Research na mula 1.90% na reproduction rate, nasa 1.03% na lamang ito ngayon.

Nauna na ring sinabi ng OCTA Research na patuloy na bumababa ang kaso ng mas nakakahawang Delta variant sa Pilipinas.

BASAHIN: OCTA Research, positibong mas maraming negosyo ang mabubuksan sa 4th quarter ng 2021

Wala na rin silang nakikitang panibagong variant na umuusbong sa bansa.

Malaki raw ang tsansa na mas marami pang mga negosyo ang papayagang magbukas.

Kaya positibo si Dr. Guido David ng OCTA Research na sa huling quarter ng taong 2021 ay maraming mga negosyo ang makakarekober.

Dalawang linggong nasa ilalim ang Kamaynilaan sa Alert Level  4.

Sa ilalim ng bagong sistema, nadagdagan ang mga negosyong maaaring magbukas pero limitado lang ang kapasidad, at iiral din ang mga granular lockdown.

SMNI NEWS