MANANATILING nakatuon ang AFP Northern Luzon Command (NoLCom) sa pagprotekta at pagtataguyod ng mga karapatan ng mga Indigenous People (IPs) sa Central Luzon mula sa pagsasamantala ng communist terrorists.
Ito ang tiniyak ni AFP NoLCom commander Lieutenant General Ernesto Torres Jr. sa isinagawang Inter-Agency Workshop on Healing, Reconciliation and Operationalization sa 11 Building Blocks ng Ancestral Domain ng National Commission on Indigenous People (NCIP) sa Tarlac City.
Kasabay nito, pinangunahan ni Torres ang Peace Covenant Signing kasama ng Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) mula sa 13 Ancestral Domains sa Tarlac at Pampanga, mga kinatawan mula sa national, regional, at provincial offices ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan ng Tarlac.
Ayon kay Torres, lahat ng gagawin nilang pagtutulungan ay para sa isang matatag, maginhawa at panatag na pamumuhay ng katutubong Pilipino.
Patuloy rin aniya silang magtatatag ng People’s Organization at makikipagtulungan sa mga IP para protektahan sila at higit pang paunlarin ang kanilang mga komunidad.