Pagsalakay sa KOJC compounds at kasinungalingan ng PNP, nakakagalit—dating opisyal ng NTF-ELCAC

Pagsalakay sa KOJC compounds at kasinungalingan ng PNP, nakakagalit—dating opisyal ng NTF-ELCAC

HUNYO 10, 2024, ito ang petsa na hindi makakalimutan ng milyun-milyong miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) matapos na lapastanganin ng PNP-SAF at PNP-CIDG ang mga religious compound ng nasabing kongregasyon.

Ang nasabing pagsalakay ng mga alagad umano ng batas ay nakunan ng video at nasaksihan ng libu-libong Pilipino lalo na sa social media.

Isa sa nakakita sa ginawang kababuyan ng kapulisan sa mga religious compound ng KOJC ang dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at former Usec. Lorraine Marie Badoy.

Hindi aniya nito mapigilang maiyak nang makita niya ang video ng karahasan na ginawa ng mga pulis.

“Ano ang ginawa kay Pastor Quiboloy at sa KOJC? Hindi ako kasapi ng KOJC pero humagulgol ako nung nakita ko ang video ng karahasan ng ating gobyerno, umiyak ako,” saad ni Dr. Lorraine Marie Badoy, Former Spokesperson, NTF-ELCAC.

Ginawa ni Badoy ang nasabing pahayag kasabay nang ginawang Maisug Rally sa Angeles City Pampanga, araw ng Lunes, Hunyo 17, 2024.

Binigyang-diin ng dating opisyal na noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, mataas ang respeto sa mga kasundaluhan at kapulisan ngunit ngayon ay nagagamit na sa maruming laro ng politika ang mga pulis.

“Umiyak ako kasi ating mga kasundaluhan, ang ating mga pulis ‘yan ang aking mga bayani nung panahon ng dating pangulo, ang pinaka-trusted ang pinaka-pinagkakatiwalaan na ahensiya ng gobyerno ay ang ating mga kasundaluhan at ang pulis ganun din for the first time napakataas ng trust rating ng mga pulis nung panahon ni President Duterte” ani Badoy.

Maituturing din aniya na overkill ang ginawang pagsalakay ng kapulisan sa mga religious compound ng KOJC na hindi naman aniya dapat gawin dahil mga walang kalaban-laban na sibilyan, mga bata, at pawang mga misyonaryo lamang ang nasa loob ng mga religious compound.

“Pero nakita ko dalawang battalion ng mga sundalo, mga pulis fully armed to their teeth, matataas na kalibre ng mga baril, nakita ko din may mga snipers, nakita ko din ang mga snipers merong CIDG, may SWAT, may Special Action Force (SAF) may mga helicopter, anong kaharap nila mga sibilyan. Mga inosente, mga misyonaryo, mga church workers na walang kalaban-laban, mga bata,” dagdag pa nito.

Hindi rin nito maiwasan na magalit dahil sa ginawang pagbaliktad at kasinungalingan ng kapulisan kaugnay sa naturang insidente.

“At ang nakakagalit dito, narinig ko ang press conference ng PNP at binaliktad pa nila ang nangyari, ang sinabi nila ay isang katawa-tawa, na itong mga bata, itong unarmed civilians mga church workers, ang nang-harass sa kanila, pano nangyari ‘yun?” saad pa nito.

Dahil sa nangyaring pagsalakay at mga kasinungalingan ng mga pulis, matinding trauma ang nararanasan ngayon ng mga bata, kababaihan, at mga misyonaryo.

Nauna nang sinabi ng pamunuan ng KOJC na wala na silang tiwala sa kapulisan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble