TUTUTUKAN ngayong taon ng Philippine Army (PA) ang pagsasagawa ng mga pagsasanay sa pagharap sa external security threat o panlabas na banta sa kapayapaan ng Pilipinas.
Higit isang siglo na ang nakalilipas nang itatag ang Hukbong Katihan ng Pilipinas o ang Philippine Army.
Taong 1897 nang ito ay itinatag, at una nang tinawag na Philippine Revolutionary Army, sa panahon kung saan nakikipaglaban ang bansa para sa kalayaan nito mula higit 300 taong pananakop ng mga Espanyol.
Nasubukan ang katatagan ng Hukbong Katihan sa kamay ng mga Amerikano hanggang sa kalaunan ay nakamit ng mga Pilipino ang kalayaan mula sa mga dayuhan.
Ngayong taong 2024 ang kanilang ika-127 anibersaryo — patuloy na ginagampanan ang kanilang mandato na protektahan at ipaglaban ang Pilipinas.
Sa panayam kay LtGen. Roy Galido, ang Commanding General ng Philippine Army, aniya, bagama’t abala sila sa pakikipagbakbakan upang matapos ang internal threats o panloob na banta sa seguridad ng bansa, tututukan pa rin nila ngayong taon ang pagsasagawa ng mga pagsasanay sa pagharap sa external threat o panlabas na banta sa kapayapaan ng Pilipinas.
“Indeed, the army has been busy with the internal threats and more of our capabilities was focus on defeating internal threats and preparing external threats is something thus we are investing heavily in training, training of a scenario of an external threat,” ayon kay LtGen. Roy Galido, Commanding General, Philippine Army.
Sa selebrasyong ito, inalala ni LtGen. Galido na kung mayroon man silang nakamit na tagumpay sa loob ng mahigit 100 taon, ito ay ang makakuha ng mataas na trust rating mula sa mga Pilipino.
Ayon sa opisyal, noong taong 2022, natanggap ng Philippine Army ang 84% na trust rating habang tumaas naman ito sa 91% na trust rating noong 2023.
“Well, the most significant is the trust rating we have right now we are the second well trusted agency by the Filipino people,” ani Galido.
Maituturing na tagumpay naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkaka-neutralized ng nasa halos 200 miyembro ng komunistang teroristang grupo.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP na sa nasabing bilang ay mahigit 100 ang sumuko, 13 ang nahuli habang 13 naman ang napatay.
“Sa pangkalahatan po, ang total po natin from our operations, meron tayong 198 CTG members na na-neutralized. This includes na po ang regular members and supporters na po mula ito nung start ng year until February 8. So, ‘yan po ‘yung numbers,” ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.
Sa nasabing bilang, umabot sa halos 80 na high at low powered firearms ang narekober ng mga sundalo, 18 improvised explosive device (IED) naman ang nakuha habang aabot sa 14 na kampo ng CTG ang nakubkob ng pamahalaan.
Habang sa local terrorist group naman, umabot sa halos 20 ang na-neutralized ng AFP.
Sa nasabing bilang, siyam ang sumuko at siyam naman ang nasawi.
Aabot naman sa 22 low at high-powered firearms ang narekober ng pamahalaan at apat na kampo ng local terrorist group ang natunton ng militar.
Paalala naman ni LtGen. Galido na kahit anumang pagsubok ang kinakaharap ng mga kasundaluhan nananatili pa rin ang alab ng pusong Pilipino na handang mag-alay ng buhay para sa bansa.
“The army soldier is ready to protect the citizen and serve as partners in nation building,” saad ni Galido.