NAGPAPATULONG ngayon ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa Kongreso para matupad ang Pambansang Pabahay Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Buwan ng Hulyo ngayong taon nang ideklara ni Pangulong Marcos ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program bilang flagship program.
Batay sa Executive Order 34 na inisyu ng Pangulo, inaatasan ang lahat ng government agencies pati na GOCCs at LGUs na mag-sumite ng plano kung paano maisasakatuparan ang programa.
Kaya sa pagharap ng Housing Department sa Kamara araw ng Martes, Agosto 29, para idepensa ang kanilang 2024 proposed national budget ay nailatag ang mga hakbang para makamit ito.
At number 1 sa kailangan ay pondo.
Ayon kay Housing Usec. Roberto Juanchito Dispo, kailangan nila ng P36-B kada taon para sa programa.
“Ayon po sa projections ninyo, ano po yung maximum na babayaran ng ating gobyerno. Ilang daang bilyon?” pahayag ni Rep. Stella Quimbo.
“Ang assumption po namin is P36-Billion per year,” ani Usec Roberto Juanchito Dispo, Department of Human Settlements and Urban Development.
Ayon kay Dispo, para lamang ito sa interest subsidy na nire-request nila sa pamahalaan para sa 1 million housing projects.
Tatagal aniya ito ng 30-taon.
Subalit ayon kay Dispo, inaasahan nila na hindi aabutin ng 30 taon ang pagbabayad ng amortization ng mga kasama sa housing program.
“On the assumption that the beneficiaries will improve their lives with the increase in salary, increase in the value of the property,” dagdag ni Dispo.
Sa hinihinging interest subsidy ng Housing Department, 1% lamang ng amortization rate ang babayaran ng beneficiary.
Habang ang natitirang 5% ay sagot na ng pamahalaan.
Lalabas na imbes P8,000 ay magiging P4,000-P3,500 na lang ang babayarang amortization kada buwan.
“Namo-mroblema na rin kami sa ganiyang kwentuhan. Yung P36-Billion a year, another P36-Billion. So 3 million units, about P100-Billion subsidy. [So pag-aralan na lang po natin?] Aralin po namin lahat yan,” ayon kay Sec. Jerry Acuzar, Department of Human Settlements and Urban Development.
Nagpapasaklo na ang DSHUD sa Kongreso para sa dagdag na pondo.
Lalo pa’t 6 million housing projects ang nais ipatayo ni Pangulong Marcos sa loob ng kaniyang termino.
Bagay na ayon kay Acuzar ay kailangan ng milagro.
“Previous administration ang napo-produce lang 50,000 units a year. Dito sa programa ni Presidente Marcos 1 milyon to isang taon. Kaya medyo milagro ang gagawin natin dito. Kung hindi ako susuportahan ng gobyerno, mahihirapan po ako rito,” ayon pa kay Acuzar.
Private sector ang katuwang ng DHSUD sa housing program.
P16.B ang request ng ahensiya para sa 2024.
Ngunit, P5.4-B lamang ang inaprubahan ng Budget Department.
Malaki nang kaunti sa P4.7-B budget nila ngayong taon.