Pamahalaan, magpapatupad ng mga hakbang sa pagpapalawig ng e-visas ng mga dayuhan—PBBM

Pamahalaan, magpapatupad ng mga hakbang sa pagpapalawig ng e-visas ng mga dayuhan—PBBM

INAAYOS na ng gobyerno ang ilang hakbang na naglalayong palawigin ang mga electronic visa na ibinibigay sa mga dayuhan na mananatili sa Pilipinas.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa gitna ng courtesy visit ni Indian Ambassador to the Philippines Shambhu Kumaran sa Malacañang Palace noong nakaraang linggo.

Sa courtesy visit, hiniling ni Kumaran kay Pangulong Marcos na payagan ang extension ng e-visas para sa mga Indian national na nananatili sa Pilipinas.

Tugon naman dito ni Pangulong Marcos, ipatutupad ng Pilipinas ang mga probisyon para sa e-visa extensions, hindi lamang para sa mga Indian national, kundi pati na rin sa iba pang dayuhan na nananatili sa Pilipinas.

Nagbigay ng courtesy visit si Kumaran kay Pangulong Marcos noong nakaraang linggo upang muling igiit ang layunin ng India na palakasin ang bilateral na relasyon sa Pilipinas.

Sa susunod na taon ay mamarkahan ang paggunita sa ika-75 anibersaryo ng relasyong diplomatiko ng Pilipinas at India.

Indian government, nag-aalok ng pitong helicopters para sa rescue at humanitarian efforts ng PCG 

Sa kabilang dako, nag-aalok ang Indian government sa Pilipinas ng hindi bababa sa pitong helicopter na gagamitin para sa rescue at humanitarian efforts ng Philippine Coast Guard (PCG) sa panahon ng mga sakuna sa bansa.

Sinabi ni Pangulong Marcos na ang alok ng India na magbigay ng mga helicopter sa PCG ay magiging malaking tulong sa pagsisikap ng gobyerno ng Pilipinas na palakihin ang mga kakayahan ng bansa sa aspeto ng rescue at humanitarian efforts.

Dagdag pa ng Pangulo, malaking kontribusyon din ito para sa maritime operations ng PCG.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag sa courtesy call pa rin ni Indian Ambassador to the Philippines Shambhu Kumaran kung saan tinalakay niya ang patuloy na pagsisikap na palakasin ang bilateral na relasyon ng Pilipinas at India.

Sa kabilang banda, sinabi naman ni Kumaran na mayroon nang patuloy na pag-uusap sa pagitan ng gobyerno ng India, PCG at Department of Transportation (DOTr) ukol sa suplay ng pitong helicopter para sa maritime search and rescue operations at humanitarian services ng ahensiya.

Ang PCG ay isang attached agency ng DOTr.

Inilahad ni Kumaran na ang mga helicopter na ibibigay sa PCG ay itinayo para sa Navy at Coast Guard ng India na magagamit para sa mas aktibong mga operasyon sa seguridad.

Samantala, inihayag naman ni Pangulong Marcos na tatalakayin niya ang alok ng India sa PCG kasama si DOTr Secretary Jaime Bautista.

Follow SMNI NEWS on Twitter