IKINATUWA ng PUV operators sa Quezon City ang pamamahagi ng fuel subsidy ngayong araw.
Ipinamahagi na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang tulong-pinansiyal para sa mga operator ng pampublikong sasakyan kasunod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Magandang balita ito sa mga driver tulad ni Alan na isang tricycle driver na nahihirapan sa pagbabayad ng gasolina dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Ok siya, malaking tulong sa amin. Kasi 4-days naming nagagamit iyon, bali para kaming nalibre ng boundry ng dalawang araw. Malaking bagay para sa aming mga tricycle driver,” ayon kay Allan Ignas, Tricycle Driver.
Malaki naman ang pasasalamat ni Elmer, Vice Chairman ng Lungsod Silangan Transport Service Cooperative dahil malaking tulong aniya ang subsiddiya sa kanila.
“Maraming salamat po sa tulong ng gobyerno na naisipan niya na bigyan kami ng ganitong tulong kahit na mahabang panahon na nakalipas.”
“Malaking bagay po para sa amin ito na mahihirap. Sa maraming drivers operator malaking tulong po ito para sa amin,” ayon kay Elmer Vinamera, Vice Chairman of Lungsod Silangan Transport Service Cooperative.
Panawagan naman ng isang delivery rider na si Patrick, sana lahat ay mabigyan ng ganitong tulong.
“Sana makakuha lahat ng beneficiary, lahat ng nagangailangan tulad naming rider, lahat ng public transpo, sana makakuha lahat. Kasi nung nakaraan hindi naman nakakuha lahat,” ayon kay Patrick Adraneda, Delivery Rider.
Ang halagang matatanggap ng mga operator ng modernized jeepney ay P10,000 habang P6,500 naman sa tradisyunal na jeep, bus, taxi at TNVS, P1,200 ang makukuha ng mga delivery rider at P1,000 naman sa mga tricycle driver.
Ayon sa LTFRB, mahigit isang milyon ang inaasahang bilang ng benepisyaryong makakatanggap ng fuel subsidy na ipapamahagi sa pamamagitan ng e-wallet, bank account o fuel subsidy card.
Sa ngayon ay patuloy ang LTFRB sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga operator ng mga pampublikong sasakyan.