NANGAKO ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na patuloy na sasagipin ang Siera Madre.
Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng Siera Madre Day ngayong araw sa bisa ng Proklamasyon Blg. 413.
Binansagang Gulugod o ‘Backbone’ ng isla ng Luzon, ang Sierra Madre na pinakamahabang bulubundukin sa bansa, ito ay may habang higit 500 kilometro na nagsisimula sa hilaga, sa Sta. Ana, Cagayan, pa-timog sa lalawigan ng Quezon.
Ang bulubundukin ng Sierra Madre ay ang natural na panangga ng Luzon laban sa mga malalakas na bagyo, maging sa mga super typhoon.
Katunayan, ilan sa mga malalakas na bagyo na dumaan sa bansa ang pinahina ng nitong ‘natural barrier’.
Sa ngayon, patuloy na nananawagan ang Pangasinan PDRRMO na magkaisa upang protektahan at sagipin ang kabundukan ng Sierra Madre mula sa kamay ng mga mapagsamantala at iligalista upang sa gayon ay patuloy na maprotektahan ang bansa at mga mamamayan mula sa mapaminsalang bagyo.