UMABOT sa 20 kaso ng panggagahasa ang nangyari sa loob ng Kabataan Party-list, ayon sa mismong miyembro nito na si Maria Kara.
Si Maria Kara din mismo ay biktima umano nito, at hindi lang aniya isa o dalawang beses siyang hinalay ng mga lider at miyembro ng Kabataan Party-list, kundi tatlong beses.
Sinasabi ng Kabataan Party-list na sila umano ang tagapagtanggol ng mga karapatan ng kabataan.
Sa isang eksklusibong panayam ng SMNI News, sinabi ni Ronald Cardema, chairman ng Duterte Youth Party-list at dating chairman ng National Youth Commission, kahit pa paulit-ulit na ang mga kasong ito sa loob ng Kabataan Party-list ay ayaw pa rin nila itong aksiyunan.
“Pati ‘yung mismong estudyante pa lang sa mga unibersidad na nagrereport sa national headquarters ng Kabataan Party-list, pati pala sila paulit-ulit na ginagahasa at ayaw nilang tulungan,” ayon kay Ronald Cardema, Chairman, Duterte Youth Party-list / Former Chairperson, National Youth Commission.
Pinalagan din ni Cardema ang hakbang ng Kabataan na, sa halip na isumbong ang mga suspek, ay hinahayaan at pinoprotektahan pa umano ito, matapos nilang sabihing sila-sila na lang ang mag-iimbestiga.
Ayon kay Cardema, dapat isangguni nila ito sa mga awtoridad o sa korte kung tunay silang nangangalaga at nagpapahalaga sa karapatan ng kabataan—ang kabataan na siyang pag-asa ng bayan.
“Anong sabi nila last week? Iniimbestigahan na daw nila internally, aayusin daw nila. Sa tingin ko, mali ‘yan eh. Kasi ilang beses na ‘yang ginawang krimen na rape—dapat dinala n’yo na agad sa PNP o sa NBI ‘yung mismong mga miyembro n’yo na nanggagahasa. Hindi kayo para maging protektor ng inyong mga miyembro,” giit ni Cardema.
Dagdag pa niya, ang ginagawang hakbang ng Kabataan Party-list ay sumasalamin sa istilo ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), na may sariling sistema at ayaw magpasakop sa sistema ng hustisya ng bansa.
“Kasi kapag NPA kayo, sa bundok kayo, ay naniniwala na kayong may sariling hustisya. Kahit na hindi nila binibigyan ng hustisya ‘yung mga ginagahasang NPA na babae, naniniwala sila na hindi sila sakop ng ating judiciary at justice system,” aniya pa.
Kinuwestiyon din ni Cardema ang pagsibak sa isang kasapi ng Kabataan na inireklamo ng isang karumal-dumal na krimen, sa halip na sampahan ito ng kaso.
Ito’y matapos maglabas ng Facebook post ang Kabataan Party-list noong Hunyo 7, na nagsasabing hindi na kasapi si James Justin Barrientos dahil sa umano’y pang-aabuso. Idinagdag pa nila na kinukondina nila ang sexual abuse, ngunit hindi ito nagsampa ng kaukulang kaso laban kay Barrientos.
Sa huli, may patama si Cardema sa Pambansang Pulisya hinggil sa sinasabi nitong “5-minute response time”, dahil ilang araw na ang lumipas mula nang lumabas ang nasabing isyu ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring aksiyon ang kapulisan.
“‘Di ba sabi nga sa PNP, meron 3-minute… ano ba ‘yon? 5-minute response time? So nagtataka nga ako, bakit ‘di pa nagreresponde? Isang linggo na ‘tong balita na ito,” saad pa nito.