Panghuhuli sa nagbebenta at gumagamit ng Ivermectin, i-uurong muna

PUMAYAG ang Philippine National Police (PNP) na iurong muna pansamantala ang panghuhuli sa mga nagbebenta at gumagamit ng Ivermectin.

Ito ang naging resulta sa pagpupulong sa pagitan nina Deputy Speaker Bernadette Herrera, Senator Christopher Bong Go, Executive Secretary Salvador Medialdea, Presidential Management Staff Chief Ferdinand Cui Jr., PNP Chief Debold Sinas, at FDA Director General Eric Domingo.

Ipinaliwanag ni Deputy Speaker Herrera sa kung bakit hindi dapat arestuhin ang mga tumatangkilik sa Ivermectin.

Paliwanag nito, hindi ilegal ang nasabing gamot kaya hindi dapat arestuhin ang mga gumagamit nito.

“I was able to explain to the PMS head, as well as to the PNP chief that we should not arrest individuals who would want to purchase Ivermectin from authorized sellers because it is not an illegal drug in the first place,” pahayag ni Herrera.

Diin ng mambabatas, sumang-ayon ang Presidential Management Staff o PMS na baguhin ang unang memorandum ng kanyang tanggapan laban sa mga gumagamit at nagbebenta ng nasabing gamot.

Sa Abril 6 memorandum nito sa PNP-CIDG, ipinag-utos ang pag-aresto sa lahat ng iligal na nagbebenta at gumagamit ng Ivermectin.

Inatasan din ng nasabing kautusan ang PNP-CIDG na makipag-ugnayan sa lahat ng sangay ng FDA para maglunsad ng operasyon laban sa mga taong gumagamit ng nasabing gamot.

 “Secretary Cui agreed and he promised that in the coming days, they will amend the memorandum. We stressed that there is a human-grade Ivermectin medication and we should make it available and accessible to the public,” ani Herrera.

Samantala sa kanilang bagong pahayag, sinabi ng FDA na hindi bawal ang off label prescription ng Ivermectin batay sa rekomendasyon ng isang licensed physician.

Pero hindi ito inirerekomenda ng FDA lalo na kapag walang consent mula sa pasyente.

Umaasa naman ang CDC-PH na sana’y hindi na pahirapan pa ng FDA ang paggamit ng Ivermectin bilang COVID-19 treatment.

“Alam mo sa ibang countries, hindi na siya game changer. It’s part of their protocol and ang dami ng bansa, ang dami nang nase-save ang dami nang nababawasang cases because of that. Kailangan lang nating maging bukas at hindi nating kailangang mag-rely lang na kailangan bang may local studies? It will take use 6-8months, 1 year before we have clinical trials. At meron bang gagawa? Do we have experts to really do that? This is a global crisis, so hindi naman siguro masamang makinig din sa anong effective at ginagawa ng ibang countries,” pahayag ni Ann Cuisia, co-founder ng CDC-PH.

SMNI NEWS