SA gitna ng nagpapatuloy na pangre-recruit ng CPP-NPA-NDF sa mga kabataan, ayon sa NICA, kanila ring pina-iigting ang kanilang operasyon sa ilalim ng NTF-ELCAC.
Libu-libong indibidwal na ang biktima ng pananakot, pagnanakaw, at pagpatay ng mga komunistang teroristang grupo ng CPP-NPA-NDF na mahigit 50 dekada na nilang ginagawa.
Hanggang ngayon, tuluy-tuloy pa rin ang paghahasik nito ng kaguluhan at karahasan sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon pa nga kay Deputy Director General for Special Concerns Abelardo Villacorta ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), nagpapatuloy ang banta mula sa teroristang grupo na ito sa bansa, partikular na ang pangre-recruit nila ng mga kabataan.
Estudyante ang pangunahing target ng mga ito sa tinatawag na violent ideology na may kinalaman sa terorismo.
‘‘At kawawa sila, ‘yung mga pangarap nila, ambisyon nila ay nasisira because they are being deceived to join the movement and become members of the NPA, kawawa sila, pati magulang,’’ pahayag ni Abelardo Villacorta, Deputy Dir. Gen. for Special Concerns, NICA.
Kabilang sa tinukoy ni Villacorta ang grupong College Editors Guild, na aniya’y “very much involved” daw sa recruitment activities sa mga unibersidad.
Kasama rin dito ang League of Filipino Students (LFS) na incharge sa recruitment ng mga estudyante sa mga kolehiyo at unibersidad.
‘‘At ‘yung magagaling sa oration, magagaling sa writing, journalism, ito ‘yung mga kinukuha nila because of the propaganda activities of the CPP-NPA. Sila ‘yung mga nagsasalita kapag may mga rallies, may mga protest sa mga kalsada. Sila ‘yung magagaling doon. They are the recruits of the CPP-NPA thru the League of Filipino Students,’’ ayon pa kay Villacorta.
At kapag sila ay napaniwala na ng mga grupong ito, sasailalim na ang mga na-recruit sa seminars at trainings, hanggang sa mag-underground member na sila ng Kabataang Makabayan.
Saad ni Villacorta, ito ang underground organization ng CPP at ito ngayon ang magiging daan para sila ay mapunta sa NPA.
‘‘But remember, they are under the umbrella of the National Democratic Front, na nandiyan lahat, LFS, Gabriela, KMU, everything, ‘yung nakikita natin yeah mga nasa rally,’’ dagdag pa nito.
Kaugnay rito, sinabi ni Villacorta na aktibo ang operasyon ng NICA lalo na sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa 12 clusters sa ilalim ng NTF-ELCAC, ang NICA ang nangunguna sa isang cluster na tinatawag na Situational Awareness and Knowledge Management.
Ito ay isang information campaign hindi lamang sa gobyerno, kundi maging sa pribadong sektor at lahat ng community members.
Layon nitong maipabatid ang totoong sitwasyon tungkol sa mga kasinungalingan at panlilinlang ng mga komunistang teroristang grupo.
Bukod dito, marami na rin aniyang mga magulang ang nakikiisa sa NICA, ang tawag sa kanila ay “Yakap ng Magulang” na napakaaktibong tumutulong sa ahensiya.
Nagbibigay rin ang NICA ng suporta sa kanilang legal cluster sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon para sa mga imbestigador.
Kaya marami na umanong naisampang kaso sa pamamagitan ng NTF-ELCAC at DOJ.
‘‘There are so many pending investigations right now. And this is also the reason why some of the members of the Communist Party of the Philippines, the NPA, are being designate as terrorist group or terrorist individual because of the data, because of the information that we have at hand,’’ aniya Villacorta.
Sa kabila nito, sinabi Villacorta kung bakit hanggang ngayon ay napakaaktibo pa rin ng mga grupong ito at malaya pa ring nakakapag-ikot ang CPP-NPA-NDF para makapag-recruit ng mga estudyante.
‘‘Ang naging isyu kasi dito, Republic Act 1700 (Anti-Subversion Law) was scrapped, so naging mas lalong legal sila, nawala na iyon na dati ay ito ay illegal iyong pag-join sa mga ganiyang organization, so libre sila ngayon and continuous ang kanilang recruitment,’’ ayon pa kay Villacorta.