Pantay na sahod, malawakang imprastruktura isinusulong ni Sen. Revilla

Pantay na sahod, malawakang imprastruktura isinusulong ni Sen. Revilla

MALINAW ANG adbokasiya ni Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. para sa makatarungan at makataong pamumuhay para sa bawat Pilipino, lalong-lalo na sa mga nasa kanayunan.

Kabilang sa mga pangunahing isinusulong ng beteranong senador ay ang abolisyon ng provincial rate system sa minimum wage at ang mas pinaigting na public infrastructure development.

Sa kaniyang pagbisita sa Iloilo kamakailan, inilahad ni Revilla ang kanyang paninindigan na dapat pantay ang sahod ng mga manggagawa sa probinsya at sa Kalakhang Maynila.

“Hindi makatarungan na mas mababa ang sahod ng manggagawa sa probinsya kumpara sa Maynila, gayong pareho naman silang nagsusumikap,” ani Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla.

“Dapat kung ano ang minimum wage sa Maynila, ’yon din ang sa Iloilo, Guimaras, at iba pang probinsya,” aniya pa.

Ayon kay Revilla, ang kasalukuyang sistema ay nagpapalala sa hindi pagkakapantay-pantay ng kabuhayan sa mga rehiyon. Layunin ng kanyang panukalang batas na alisin ang provincial wage disparities upang mabigyan ng patas na kita ang lahat ng manggagawang Pilipino.

Kasabay nito, binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng imprastruktura sa pagpapaunlad ng kabuhayan sa mga lalawigan. Bilang chairperson ng Senate Committee on Public Works, isinusulong niya ang malawakang proyekto para sa mga kalsada, tulay, at iba pang pasilidad na magpapalago sa ekonomiya sa mga rehiyon.

“Napakahalaga ng imprastruktura sa rural development. Kailangan natin ng mas maraming proyekto sa kanayunan para sa mas mabilis na konektibidad, mas maraming trabaho, at mas maunlad na kabuhayan,” dagdag niya.

Mainit na tinanggap si Revilla sa Iloilo nina Governor Toto Defensor at mga alkalde ng lalawigan, gayundin sa Guimaras kung saan opisyal siyang inendorso nina Governor JC Rahman Nava at Congresswoman Lucille Nava kasama ang limang municipal mayors.

Sa kaniyang mensaheng “Aksyon sa Tunay na Buhay,” ipinapakita ni Bong Revilla ang konkretong plano para sa pagbabago—mula sa patas na sahod hanggang sa matibay na imprastruktura, para sa tunay na kaunlaran ng bawat Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble