HINIKAYAT ni House Deputy Majority Leader David Suarez ang gobyerno na bumuo ng National Water Use Plan para matiyak ang food security sa bansa.
Layon ng naturang plano na makapagbigay ng accessible water supply lalung-lalo na sa mga magsasaka.
Ginawang basehan ni Suarez ang record ng National Irrigation Administration (NIA) sa paglahad ng kanyang mungkahi.
Batay sa datos ng NIA, nasa 36% ng higit 3.1 million (3,128,631) irrigable areas ng bansa ay walang well-functioning irrigation system.
Giit ng mambabatas, kailangan munang resolbahin ang ugat ng problemang ito.
Dito aniya papasok ang pagkakaroon ng isang National Water Use Plan na siyang sagot sa kakulangan ng tubig sa mga palayan.
Kaugnay rito, suportado naman ng pamunuan ng National Water Resources Board ang naturang panukala.
Sinabi ni NWRB Executive Director Dr. Sevillo David, Jr. na akma ito sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
“Maganda pong panukala iyan at ito po naman, sabi nga natin ay akma po doon sa instruction po ng ating mahal na Pangulo na kailangan na rin po talaga nating tingnan iyong pangangailangan po ng mga kababayan natin sa tubig,” pahayag ni David.
Dagdag pa ni David, mahalagang tingnan din ang malawakang pagpaplano hinggil sa water use.
“Ito naman po ay nabanggit ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. po ‘no doon sa kaniyang SONA, na sabi nga natin po ay iyong kapag titingnan po natin ang pangangailangan natin sa tubig ay kailangan na rin po ng isang malawakan, isang national na plano po para mapangalagaan po iyong paggamit po natin ng tubig,” ayon kay David.
Samantala, tinitingnan naman ng NWRB ang pupuwedeng maitulong ng ibang ahensiya ng pamahalaan maging ng pribadong sektor hingil sa iba pang isyu ukol sa water resources.
Ito ay upang makapag-develop ng mga puwedeng mapagkukunan o karagdagang mapagkunan ng tubig para magamit ng mamamayan.
Inihayag ni David na kailangang pag-usapan at mapaghandaan kung papaano pangalagaan at matiyak ang sapat na suplay ng tubig.
“Kasama po dito iyong sinasabi ninyo nga, kapag malakas po ang pag-ulan ay marami tayong tubig ‘no, mas maganda ho sana kung ito ay maiimbak nang tama ‘no. At isa po iyan sa tinitignan natin, paano po maiimbak itong mga tubig kapag panahon po ng malakas na pag-ulan para naman po kapag panahon ng may kakulangan o may tagtuyot ay mayroon tayong puwedeng magamit at mapapakinabangan po natin itong mga tubig na sinasabi nga natin na malakas kapag panahon po ng tag-ulan,” ani David.
Punto ng NWRB, hindi unlimited ang supply ng tubig, kaya hinikayat nito ang publiko na gawin ang wastong paggamit ng tubig, ito ay tipirin at huwag aksayahin.