PAO, VACC at grupo ng mga magulang, pinapa-inhibit si DOJ Usec. Andres sa Dengvaxia cases

PAO, VACC at grupo ng mga magulang, pinapa-inhibit si DOJ Usec. Andres sa Dengvaxia cases

NAGSAGAWA ng press conference ang Public Attorney’s Office (PAO), kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at grupo ng mga magulang sa Quezon City ngayong araw.

Patas na hustisya ang panawagan ng mga magulang ng mga batang biktima ng Dengvaxia.

Sumulat ang PAO kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at kay Justice Secretary Boying Remulla kaugnay ng isyu ng Dengvaxia vaccine.

Ito ang paglalahad ng PAO kasama ang VACC at ang Samahan ng mga Magulang, Anak at Biktima ng Dengvaxia (SMABD) sa ginanap na press conference nitong Lunes.

Hiniling ng PAO na mag-inhibit si Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andres mula sa superbisyon nito sa National Prosecution Service (NPS) sa mga kasong may kinalaman sa Dengvaxia cases.

Sa DOJ Department Circular No. 029 na may petsang September 13, 2022, nakasaad na isa sa mga pangunahing responsibilidad ni Usec. Andres ay ang superbisyon ng NPS.

Mababatid na si Usec. Andres ay tumayong abogado ni former Health Secretary Dr. Janette Garin, na isa sa mga akusado sa mga kaso na isinampa ukol sa Dengvaxia vaccine.

Dahil dito, saad ni Revelyn Ramos Dacpano ng PAO, malinaw na malinaw ang pagkakaroon ng ‘conflict of interest’ o magkataliwas na interes dito.

Si Jonathan de Guzman, isang magulang ng batang biktima ng Dengvaxia, ay naniniwala na si Dr. Garin ang nasa likod kung bakit nalagay sa pwesto sa NPS si Usec. Andres.

Bagama’t hindi nais ng PAO at grupo ng mga magulang na akusahan nang direkta si Usec. Andres na mayroon itong pakikialam sa mga kaso ng Dengvaxia, ay nabubuo naman ang ilang pagdududa.

Mayroon kasing mga insidente na ibinasura ang isinampang kaso ni Sumachen Dominguez, ang presidente ng Samahan ng mga Magulang.

Emosyonal na isinalaysay ni Dominguez na ang kanyang anak na si James Benedict, ay isa rin sa biktima ng Dengvaxia vaccines, pero ipinapalabas na nagkaroon lamang diumano ito ng injury.

Ang criminal complaint ni Dominguez na nagresulta ng pagkakasakit ng kanyang anak ay hindi nagkakaiba sa kasong isinampa ni Ginang Girlie Estandarte Samonte sa mga tinamong sakit ng kanyang anak na si Mark Joseph bunsod ng bakunang Dengvaxia.

Nasa 24 criminal complaints ang ibinasura dahil diumano sa kawalan ng Dengvaxia card ng mga biktima.

Samantalang, mayroon namang mga testigong naglahad ng kanilang testimonya na nagpapatunay na nabakunahan ang mga ito ng Dengvaxia vaccines.

Kaugnay rito, inilahad ng PAO na naghain na sila ng motion for reconsideration sa ibinasurang 24 criminal complaints.

Pahayag pa ng PAO, ang panawagang pag-inhibit ni Usec. Andres ay magsasalba sa National Prosecution Service laban sa mga pagdududa na naiimpluwensyahan o kinokontrol ito ng una bilang dating tagapagtanggol o abogado ni Dr. Garin.

Pagkatapos ng press conference ay nagsagawa ng rally sa harap ng tanggapan ng DOJ ang mga magulang ng mga batang biktima ng Dengvaxia para ipaabot kay Justice Secretary Remulla ang kanilang kahilingan na alisin kay Usec. Andres ang paghawak sa kaso.

Sa kabilang banda kung sakali namang hindi mag inhibit si Usec. Andres, ay tuluy-tuloy rin ang laban ng mga magulang sa paraang legal.

 

Follow SMNI News on Twitter