Patakaran ng pasahod ngayong Araw ng Kalayaan, ipinaalala ng DOLE sa mga employer

Patakaran ng pasahod ngayong Araw ng Kalayaan, ipinaalala ng DOLE sa mga employer

SA pagdiriwang ng ika-127 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ngayong Hunyo 12, isang itinalagang regular holiday sa buong bansa, muling ipinapaalala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang tamang patakaran sa pasahod para sa mga manggagawa.

Para sa mga empleyadong hindi pumasok, tatanggap sila ng buong arawang sahod, kung sila ay pumasok o naka-leave with pay sa araw bago ang holiday.

Kung ang araw bago ang holiday ay walang pasok o araw ng pahinga, dapat pa ring bayaran kung ang empleyado ay nagtrabaho o naka-leave with pay sa araw bago nito.

Para sa mga pumasok sa trabaho sa holiday, dapat silang bayaran ng dobleng sahod para sa unang walong oras ng trabaho.

Kung lumampas sa walong oras ang trabaho ng empleyado sa holiday, may karagdagang 30% ng kanyang orasang sahod na base sa 200%. Ito ay bilang overtime pay.

Para sa mga empleyadong pumasok sa trabaho sa holiday na tumapat sa kanilang araw ng pahinga, tatanggap sila ng karagdagang 30% sa kanilang 200% na sahod, o katumbas ng 260% ng arawang sahod.

Inaasahan ng DOLE na susundin ito ng mga employer bilang bahagi ng pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa at sa diwa ng kalayaan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble