DUMATING si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa San Francisco International Airport sa California ng 5:06 pm (9:06 am Manila).
Kasama ni Pangulong Marcos si First Lady Atty. Louise Araneta-Marcos at ang delegasyon ng Pilipinas para sa 30th Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting at mga kaugnay na aktibidad.
Si Pangulong Marcos ay malugod na tinanggap ng mga opisyal ng pamahalaan ng San Francisco.
Bago ang APEC proper, nakipagpulong si Pangulong Marcos sa Filipino community sa San Francisco Conference Center kung saan inilahad niya ang pagsisikap ng gobyerno na iangat ang buhay at tiyakin ang kapakanan ng mga Pilipino kabilang ang mga nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sinabi ni Pangulong Marcos na ang pokus ng pamahalaan sa kaniyang pagdalo sa APEC Summit at iba pang mga kaugnay na aktibidad ay upang bigyang-prayoridad at i-secure ang kapaki-pakinabang na trade at investment, quality at green jobs, human development at poverty alleviation.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, makikipag-ugnayan siya sa mga economic leader ng Asia-Pacific region para mapagkasunduan kung paano makakamit ng Pilipinas ang food and energy security at economic inclusion ng Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) ng bansa.
Idinagdag ng Punong Ehekutibo na uunahin at isusulong din niya ang pagtiyak sa kapakanan ng kababaihan, katutubo at iba pang sektor ng Philippine economy.