PBBM, Hari at Prime Minister ng Malaysia nagkita ngayong araw

PBBM, Hari at Prime Minister ng Malaysia nagkita ngayong araw

NGAYONG umaga nagkita sina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa hari at prime minister ng Malaysia upang mas lalo pang paigtingin ang relasyong diplomatiko sa pagitan ng dalawang bansa.

Sa katunayan, 68 taon na magmula nang maitatag ang diplomatic relations sa pagitan ng Pilipinas at Malaysia.

Una nang sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isusulong ni Pangulong Marcos sa kaniyang pakikipag-usap sa head of state at government ng Malaysia ang pagkakaroon ng bilateral cooperation na susuporta sa economic agenda ng bansa kabilang na dito sa usapin ng agriculture, food security, tourism, digital economy at people-to-people exchanges.

Nais din ng Pangulong Marcos na masimulan ang pagkakaroon ng kooperasyon ng Pilipinas sa Malaysia kaugnay sa Halal industry at Islamic banking.

Ang bansang Malaysia ang top 10 trading partner ng Pilipinas at ika-22 bansang pinagkukunan ng approved investment para sa taong 2022.

Mamayang hapon naman gaganapin ang pakikipagpulong ni Pangulong Marcos kay Malaysia Prime Minister Anwar Ibrahim sa opisina nito sa Putrajaya na susundan ng joint press briefing.

Matatandaang bumisita sa Pilipinas nitong Marso ang prime minister ng Malaysia at naibahagi ni Pangulong Marcos sa kaniyang vlog na dapat magkaroon ng masinsinang pag-uusap ang Pilipinas at Malaysia sa issue ng Sabah.

Bukas naman gaganapin ang pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa mga business leaders sa Malaysia kung saan umaasa ang Chief Executive na magdudulot ng maraming investment pledges para sa Pilipinas.

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter