PBBM, nagbigay ng amnestiya sa mga dating miyembro ng CTG at iba pang CTG group

PBBM, nagbigay ng amnestiya sa mga dating miyembro ng CTG at iba pang CTG group

NAGLABAS si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng executive order at ilang mga proklamasyon na nagbibigay ng amnestiya sa mga rebelde kasama na rito ang mga dating miyembro ng communist terrorist group (CTG) na Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ang EO No. 47 na nilagdaan ni Exec. Sec. Lucas Bersamin noong Nobyembre 22, 2023 ay inamyenda ang EO No. 125, series of 2021, o ang paglikha ng National Amnesty Commission (NAC).

Sa pagpapalabas ng kautusan, sinabi ng Pangulo na kailangang amyendahan at i-update ang mga tungkulin ng National Amnesty Commission upang masakop ang pagproseso ng mga aplikasyon para sa amnestiya sa ilalim ng mga bagong proklamasyon.

Nakasaad sa EO na pangunahing tungkulin ng nasabing Komisyon ang pagtanggap at pagproseso ng mga aplikasyon para sa amnestiya at pagtukoy kung ang mga aplikante ay may karapatan sa amnestiya sa ilalim ng Proclamation Nos. 403, 404, 405, at 406.

Sa ilalim ng Proclamation No. 403, pinagkalooban ni Pangulong Marcos ng amnestiya ang mga miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB) na nakagawa ng mga krimen na may parusa sa ilalim ng revised penal code at special penal laws.

Ang proklamasyon, gayunpaman, hindi dapat sumasaklaw sa kidnap for ransom, massacre, rape, terorismo, mga krimen na ginawa laban sa kalinisang-puri gaya ng tinukoy sa revised penal code, mga krimen na ginawa para sa personal na layunin, paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), malalang paglabag sa Geneva Convention of 1949, at genocide, mga krimen laban sa sangkatauhan, mga krimen sa digmaan, torture, enforced disappearances, at iba pang matinding paglabag sa karapatang-pantao.

Naglabas din ang Pangulo ng Proclamation No. 404 na nagbibigay ng amnestiya sa mga dating miyembrong CPP-NPA-NDF na nakagawa ng mga krimen na may parusa sa ilalim ng revised penal code at special penal laws sa pagsulong ng kanilang political beliefs.

Nakasaad dito na ang amnestiya ay ibinibigay sa mga dating miyembrong CPP-NPA-NDF, o sa kanilang mga front organization na gumawa ng mga krimen, mapaparusahan man sa ilalim ng revised penal code o special penal laws, kabilang ngunit hindi limitado sa rebelyon o insureksiyon; pagsasabwatan at panukalang gumawa ng paghihimagsik o pag-aalsa; pagtataksil ng mga pampublikong opisyal o empleyado; pag-uudyok sa paghihimagsik o pag-aalsa; sedisyon; pagsasabwatan upang gumawa ng sedisyon; at pag-uudyok sa sedisyon.

Kasama rin sa iba pang offenses ang illegal assembly; illegal association; direct assault; indirect assault; paglaban at pagsuway sa isang taong may awtoridad o sa mga ahente ng naturang tao; kaguluhan at iba pang ‘disturbances’ sa public order; labag sa batas na paggamit ng mga paraan ng paglalathala at labag sa batas na pananalita; alarms and scandals; illegal possession of firearms, ammunition or explosives, sa kondisyon na ang mga krimen o pagkakasala na ito ay ginawa bilang pagpapatuloy ng insidentesa, o may kaugnayan sa mga krimen ng paghihimagsik o insureksiyon.

Sa kahalintulad ay naglabas din ang Pangulo ng Proclamation Nos. 405 at 406, na nagbibigay ng amnestiya sa mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) na nakagawa ng mga krimen na may parusa sa ilalim ng revised penal code at special penal laws.

Sinumang miyembro ng MILF at MNLF na nakagawa ng anumang kilos o pagkukulang sa paghahangad ng paniniwalang pampulitika, na tinutukoy sa seksyon 1, kabilang ang mga nakakulong, kinasuhan, o nahatulan para sa gayong mga gawa o pagkukulang ay maaaring maghain ng aplikasyon para sa amnestiya; sa kondisyon na ang krimen kung saan maaaring pagbigyan ang amnestiya ay dapat na ginawa bago ang pagpapalabas ng proklamasyon.

Ang nilabas na executive order at ilang mga proklamasyon ay bilang bahagi ng komprehensibong mga hakbangin para sa kapayapaan ng administrasyong Marcos.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter