NAGSAGAWA ng Joint Seaborne Patrol ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa loob ng Provincial Territorial Waters ng Western Pangasinan kahapon ng Hulyo 10, 2024.
Ang Seaborne Patrol Operation ay ipinatupad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at panloob na seguridad sa mga teritorial na tubig, mga daungan ng pagpasok, at paglabas.
Ang operasyon ay nagbigay ng pagkakataon para sa mga tauhan na makipag-ugnayan sa mga lokal na komunidad lalo na sa mga mangingisda upang mapabuti ang relasyon sa komunidad at palakasin ang kooperasyon sa paglaban sa ilegal na droga matapos na may nadiskubre na namang mga pake-paketeng shabu sa nasabing lalawigan.
Dagdag pa rito, ang opisinang ito kasama ng iba pang Law Enforcement Agencies (LEAs) ay determinadong imbestigahan nang husto ang pinagmulan ng mga lumulutang na mga pakete ng shabu at patuloy na hinihimok ng mga awtoridad ang mga komunidad sa baybayin na manatiling mapagmatyag at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang natuklasan na umano’y shabu at agad kanilang ipagbigay-alam sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya o PDEA Provincial Offices ng Region 1 sa pamumuno ni Regional Director, Director III Joel Plaza.