NAGPAPATULOY ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa nangyaring pagsabog sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.
Sinabi ni PNP PIO chief PCol. Jean Fajardo na nakakuha ng CCTV footage ang awtoridad sa labas ng MSU na posibleng makatulong sa pag-iimbestiga sa insidente.
Ayon kay Fajardo, natukoy na rin ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaki na persons of interest (POI) at napag-alaman na may criminal records ang mga ito.
Habang dalawa pang lalaki ang itinuturing din na POI at posibleng nagsilbing lookout sa nangyaring pagsabog.
Sa ngayon, wala pang malinaw na motibo ngunit ang kinabibilangang grupo ng mga POI ay sangkot sa mga nakaraang pambobomba sa Mindanao.