PH at Vietnam, nagkasundo na palawakin ang kooperasyon sa kalakalan, agrikultura, turismo

PH at Vietnam, nagkasundo na palawakin ang kooperasyon sa kalakalan, agrikultura, turismo

NAGKASUNDO sina Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng estratehikong ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.

Ito’y sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kooperasyon ng dalawang bansa sa hanay ng kalakalan at pamumuhunan, turismo, agrikultura, depensa at seguridad.

Sa kanilang bilateral meeting sa sideline ng 42nd Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit, binanggit ni Pangulong Marcos ang maunlad na kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam gayundin sa iba pang mga bansa.

Partikular dito sa mga produktong agrikultural, na naging napakahalagang bahagi ng suplay ng pagkain sa bansa.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos na ang relasyon sa pagitan ng dalawang bansa ay bumuti sa tulong ng pribadong sektor.

Samantala, sa hanay naman ng turismo, maituturing itong isang malaking sektor na palaging mahalagang parte ng ekonomiya ng Pilipinas.

Nakikita ni Pangulong Marcos ang Vietnam bilang mahalagang katuwang sa rehabilitasyon ng sektor ng turismo ng Pilipinas kasunod ng pagkawasak na dulot ng sunud-sunod na COVID-19 lockdown.

Sa kabilang dako, nangako naman si Punong Ministro Pham na makikipagtulungan sa Pilipinas sa promosyon ng kalakalan na magpapatuloy sa pag-diversify ng supply chains at kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa.

Hiniling din ng Vietnam leader ang suporta ng Pilipinas para sa kandidatura ng Vietnam sa iba’t ibang organisasyong pinamumunuan ng United Nations, kabilang ang UN Human Rights Council, UN Security Council, ang panguluhan ng 91st Session ng United Nations General Assembly, gayundin ang UN Commission of International Trade.

PH at Lao, magtutulungan nang mabuti para palakasin ang kooperasyon sa kalusugan, edukasyon, kalakalan at people-to-people exchange

Sa isa pang hiwalay na bilateral meeting, nangako ang Pilipinas at ang Lao People’s Democratic Republic (PDR) na magtutulungan nang mahigpit para palakasin ang kooperasyon sa iba’t ibang larangan.

Kabilang dito ang kalusugan, edukasyon, kalakalan at people-to-people exchange agreements.

Parehong sumang-ayon sina Pangulong Marcos at newly-appointed Lao Prime Minister na si Sonexay Siphandone, na makipagtulungan din sa mga pinuno ng (ASEAN) tungo sa kolektibong benepisyo ng regional bloc.

Nitong Miyerkules, nagkaroon si Pangulong Marcos ng bilateral meeting kasama ang opisyal ng Lao sa 42nd ASEAN Summit Plenary Session sa Indonesia.

Sinabi ni Pangulong Marcos sa naturang pulong na mayroong humigit-kumulang 2,000 Filipino nationals na naninirahan at nagtratrabaho sa Lao PDR.

Aniya, lubos na ipinagmamalaki ng Pilipinas ang mga kontribusyon na ginawa ng mga Pilipino lalo na sa sektor ng edukasyon sa Lao.

Binanggit din ng pangulo, ang matatag na sistema ng healthcare system ng Pilipinas na nasubok sa panahon ng pagsisimula ng COVID-19 pandemic.

Samantala, inimbitahan ni Prime Minister Siphandone si Pangulong Marcos para sa isang state visit sa Lao PDR.

Sa kabilang banda, nagpaabot din ng imbitasyon si Pangulong Marcos sa punong ministro at sa kaniyang pangulo na bumisita sa Pilipinas.

Sa 2025, ipagdiriwang ng dalawang bansa ang kanilang ika-70 na taon ng diplomatikong relasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter