TINIYAK ng Philippine Embassy sa Singapore na tututukan nila ang kalagayan ng 5 Pilipinong lulan sa flight SQ 321 na nakaranas ng malubha o “severe turbulence”.
Matatandaang sa ulat, umaga nitong Miyerkules, Mayo 22, 2024 nang magmula sa London Heathrow Airport ang naturang flight at bumibiyahe papuntang Singapore.
Sakay nito ang nasa 211 na pasahero at 18 crew members.
Subalit dahil sa naranasang malubhang “turbulence” ay nagkaroon ito ng stopover sa Bangkok, Thailand.
Isang relief flight na ang naghakot ng mga pasahero mula sa Thailand papuntang Singapore.
Mula sa naturang flight ay isa ang nasawi dahil sa heart attack at nasa 30 ang sugatan kasama na ang limang Pilipino.