HINDI na rin ikinagulat ng ilan ang resulta ng survey lalo na’t ramdam na raw mismo ng mga mamamayan ang lumalalang presensiya ng krimen, iligal na droga, at iba’t ibang uri ng iligal na aktibidad sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa gitna ng panibagong pamunuan ng PNP at administrasyon, iisa ang panawagan ng publiko at ito ang masugpo ang krimen at maibalik ang kapanatagan sa pamumuhay ng mga tao sa lansangan, paaralan, trabaho, at maging sa loob ng kanilang mga tahanan.
‘’Medyo hindi…grabe yung patayan mga adik naglalabasan siguro dahil sa president hindi niya masyado napoprotektahan tayo di tulad ni Duterte na talagang bantay sarado,’’ ayon kay Rutchie isang mamamayan.
‘’Ang gusto sana naming mangyari masugpo na ang kriminalidad. Kagaya dito samin, simpleng hanapbuhay lang namin nananakawan pa kami.. mawala na sana yang krimen atleast safe tayo,’’ saad naman ni Junard isang mamamayan.
Nito lamang nakaraang linggo nang ilabas ng isang comparison online platform na HelloSafe ang resulta ng kanilang online survey sa mga turista kaugnay sa mga bansang madalas puntahan o bisitahin, manirahan o magnegosyo.
Mula sa nasabing listahan, Pilipinas ang nangunguna sa mga bansa sa mundo na mapanganib sa mga turista.
Base sa nasabing platform, nasa 82.32 out of 100 ang banta sa safety index ng bansa na sinundan ng Columbia na may 79.21, Mexico na may 78.42, India na may 77.86, at ang panglima ay Russia na may 75.65 safety index.
Sa kabilang banda, ang bansang Iceland naman ang nanguna bilang pinakaligtas sa mga turista na nakakuha lamang ng 18.33 safe index, sinundan ng Singapore na may 19.99, Denmark na may 20.05, Austria na may 20.31, at Switzerland na may 20.51 safe index.
Paliwanag ng HelloSafe, may lima silang basehan para masuri ang seguridad ng isang bansa na madalas dayuhin ng mga turista — kasama na ang natural disasters, violence in society, internal and external armed conflicts, healthcare at militization.
Mga kategorya kung saan bagsak ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa mundo.
SOURCE: HELLOSAFE
Natural Disasters
Violence in Society
Internal and External Armed Conflicts
Healthcare
Militization
Mula sa nasabing obserbasyon ng naturang online firm, hindi naman napigilan na panghinayangan ang mga programang pangseguridad ng nakaraang administrasyon, partikular na sa laban kontra kriminalidad at ilegal na droga.
‘’Mas ok kay Duterte noon.. mas maraming krimen.. ang napapatay noon ay mga kriminal lang,’’ saad ni Carlo isang mamamayan.
‘’Sana bigyan niya ng pansin yung mga taong naglalabasan.. grabeng patayan… nakawan,’’ dagdag naman ni Rutchie.
Nitong buwan lang din ng Mayo nang ilabas ng US government ang isang travel advisory na nagbabala sa mga residente nito at mga turista na iwasan ang pagtungo sa ilang bahagi ng Mindanao, lalo na sa Sulu at Marawi, dahil sa usaping pangseguridad.
Habang ang Davao City naman ay libre sa nasabing travel advisory ng Amerika mula sa posibleng panganib para sa mga turista.