INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ang Pilipinas ay nangunguna sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa 2023 gross domestic product (GDP) forecast na inilabas ng International Monetary Fund (IMF).
Ayon kay Pangulong Marcos, nangunguna ang ekonomiya ng Pilipinas sa buong Asya sa 6% nitong projected GDP growth ayon sa World Economic Outlook na inilabas ng IMF nitong Abril.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na lalo pang pagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang mga hakbanging nakatuon sa pagpapaunlad ng ekonomiya para sa isang bagong Pilipinas.
Sa pinakahuling ulat ng World Economic Outlook, itinaas ng IMF ang 2023 GDP growth projection ng Pilipinas sa 6% mula sa 5% forecast noong Enero.
Batay sa ulat, nalampasan ng Pilipinas ang iba pang mga bansang miyembro ng ASEAN sa usapin ng paglago ng GDP.
Ang India at Vietnam ay kasunod sa Pilipinas na may 5.9% at 5.8% na projection.
Samantala, ang GDP ng China ay tinatayang lalago ng 5.2%, Indonesia sa 5%, Malaysia sa 4.5%, at Thailand sa 3.4%.