Pilipinas, nasungkit ang Guinness World Records sa paghahain ng pinakamaraming lutong baboy

Pilipinas, nasungkit ang Guinness World Records sa paghahain ng pinakamaraming lutong baboy

NASUNGKIT ng Pilipinas ang Guinness World Records sa paghahain ng pinakamaraming lutong baboy.

Lechon, Adobo, Barbeque, Crispy Pata, Bicol Express, Dinuguan, at marami pang iba. Ilan ito sa mga ibinida sa kauna-unahang Hog Festival 2024 na inorganisa ng National Federation of Hog Farmers Inc. (NatFed), Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), Resto PH at Culinary Schools.

Dumalo sa aktibidad sina Sen. Cynthia Villar, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Quezon City Mayor Joy Belmonte, at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Sa kabuuan, nasa higit 340 pork dishes ang isinumite ng iba’t ibang grupo mula sa industriya, negosyante at culinary schools upang masungkit lang ang Guinness World Records.

Sa pagsusuri ng Official Ajudicator ng Guinness na si Sonia Ushirogochi, mula sa naturang bilang ay 28 na putahe dito ang disqualified dahil hindi nakasunod sa mga alituntunin.

“The pork dishes on display is 313 and with achieved by The National Federation of Hog Farmers Inc. at Quanton Skydome of Gateway Mall in Araneta City, Philippines of 1st March 2024. Congratulations!” saad ni Sonia Ushirogochi, Official Ajudicator, GWR.

“We are very happy and of course it’s not about me, it’s not about the National Federation of Hog Farmers Inc. Ito po ay para po sa lahat, this will encourage and uplift ‘yung mga moral natin mga local farm producer na bumalik at mag-repopulate,” saad naman ni Chester Tan.

Suplay ng baboy ngayong taon, sasapat pa kahit may ilang barangay ang apektado ng ASF—DA

Unti-unti pang bumabangon ang industriya sa kabila ng hamon kinaharap dahil sa African Swine Fever (ASF).

Tiniyak naman ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng baboy sa bansa.

“Marami pa rin kaya si Sec. Kiko ito ‘yung binibigyan niya ng pansin na matulungan ‘yung mga swine producer para makapag-produce ng marami at ma-lessen ‘yung importations,” ayon kay Usec. Deogracias Victor Sevillano, DA.

Sa datos ng ahensiya, bumaba na lamang sa 80 na mga barangay sa bansa ang apektado ng ASF.

Pinaalalahanan ni Usec. Sevillano ang mga pork producer na palakasin pa ang biosecurity upang maiwasan ang pagkalat ng nasabing sakit.

Sa ngayon, nagpapatuloy pa rin ang clinical trial para sa bakuna.

Sen. Cynthia Villar, naniniwalang matagal nang may mafia sa loob ng NFA na nagbebenta ng bigas sa ilang traders

Samantala, kontrobersiyal ngayon ang umano’y pagbebenta ng National Food Authority (NFA) ng bigas sa ilang negosyante sa presyong lugi ang pamahalaan.

Natanong naman si Sen. Cynthia Villar, kung posible nga bang may mafia sa loob ng ahensiya.

“It’s not a new finding, di ba? Kaya ko, pinasa ang Rice Tariffication Law kasi sila ang nag-i-import ng rice exclusively then nakikipag-connive sila sa cartel kaya tinanggal namin ‘yung power to import sa kanila,” ani Sen. Cynthia Villar.

Iimbestigahan aniya ng kaniyang komite ang maling gawain ng mga opisyal ng NFA.

“Kasi, I have personal experience with regards to that. Kaya hindi ako happy diyan,” dagdag ni Villar.

Dagdag pa ng senadora, mali-maling ibenta ng NFA sa mga trader ang bigas na dapat ipinamimigay sa mga mahihirap na Pilipino.

DA Chief, nanawagan sa mga posibleng sangkot na mga opisyal ng NFA na mag-voluntarily leave

Si DA Sec. Laurel naman ay target na matapos sa loob ng tatlong linggo ang ginawang imbestigasyon laban sa mga opisyal ng NFA.

Wala pa namang sinumang opisyal ng NFA ang sinuspinde sa trabaho habang gumugulong ang imbestigasyon.

“Kung ako ang tatanungin mo, mas maganda na kung sino ‘yung grupo diyan na naglalabanan na mag-voluntarily leave na lang sila but of course we have to see that we have to presumed innocence muna di ba,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble