INAASAHAN ng Commission on Elections (COMELEC) na matatapos na ngayong Sabado ang pinal na listahan ng kandidato para sa 2022 elections.
May mga tinatarget na schedule ang COMELEC para sa ballot printing at sa paglabas ng final list ng mga kandidato para sa 2022 elections.
Noong Enero 7 sana dapat maisapubliko ang pinal na listahan ng mga kandidato ngunit na-reset ito hanggang Enero 15.
Dapat ay natapos na ang nasabing listahan noong nakaraang buwan, ngunit nagpasya ang COMELEC na ipagpaliban ang paglabas nito dahil sa mga nakabinbing kaso laban sa ilan sa mga nagnanais na kandidato.
Ang pag-imprenta rin ng balota ay unang naka-schedule noong Enero 15 ngunit na-reset rin hanggang Enero 17 dahil na rin na-delay ang listahan ng mga kandidato.
Ani Jimenez inaasahan nilang sisimulan muna ng National Printing Office ang pag-imprenta ng mga balota para sa mga botante sa ibang bansa bago ituloy ang mga balota para sa mga lokal na botante.
Batay sa pinakahuling partial list ng COMELEC ng mga kandidato, may kasalukuyang sampung presidential aspirants, siyam na vice presidential aspirants at 64 senatorial aspirants.
Nakapagregister din ang Comelec ng humigit-kumulang 180 party-list groups, na maaaring isama sa pinal na balota kabilang na dito ang Mother for Change (MOCHA Party-list).
Ayon sa poll body, natuganan ng naturang party-list ang lahat ng mga kinakailangan para sa isang sektoral na organisasyon.
First two nominees ng MOCHA sina dating Overseas Workers Welfare Administration executive Mocha Uson at dating National Task Force to End Local Communist Armed Conflict spokesperson Michele Gumabao.
Nilalayon ng naturang party-list na irepresenta ang lahat ng mga ina at mga babaeng ginagampanan ang pagiging isang ina kahit walang asawa o anak.
Matatandaang kabilang ang Mothers for Change party-list sa labing tatlong paty-list groups na unang na-tag na may “pending incidents” na maaaring magtanggal sa kanila sa 2022 elections.
Samantala sinabi ni Jimenez na malamang na hindi kasama sa listahan ang Malasakit Movement party-list, na kinabibilangan ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago, na kabilang rin sa mga nominado nito.
Sinabi niya na ang nasabing party-list ay aalisin sa huling balota dahil nabigo itong patunayan na ito ay kumakatawan sa isang marginalized under-represented sector.
Gayunpaman, sinabi ni Jimenez na maaaring iapela ng Malasakit Movement ang desisyon ng COMELEC sa Korte Suprema.
Nagpahayag na rin si Pialago na hahanap ng paraan ang kanilang legal team para makasali pa rin sa party-list elections.
Ukol naman sa gun ban ngayon election period, 223 applications para sa exemption ang natanggap ng COMELEC.
Ayon sa pinakahuling datos ng poll body, 127 sa mga aplikasyon ay mula sa security detail, 53 mula sa security agencies, 21 mula sa law enforcement agencies, 10 ay mula sa high-risk na indibidwal, 10 ay mula sa personnel na naghahanap ng awtoridad at accreditation para sa transportasyon ng mga baril at iba pang kinokontrol na kemikal, at dalawa ay mula sa mga cashier at disbursing officer.
GUN BAN EXEMPTION APPLICATIONS
(As of January 11, 2022)
127 – Security detail
53 – Security agencies
21 – Law enforcements
10 – High-risk individuals
10 – Personnel seeking authority and accreditation for transportation of firearms and other controlled chemicals
2 – Cashiers and disbursing officers
____
Total: 223
Source: COMELEC
Sa mahigit dalawang daang aplikasyong ito, 38 ang naaprubahan at 74 ang tinanggihan.
Opisyal na nagsimula election period noong Linggo, Enero 9, alinsunod sa 2022 election calendar ng COMELEC.
May bisa ang gun ban hanggang Hunyo 8, 2022 o kabuuang 150 days.
Tanging ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at mga miyembro ng iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas, ang hindi kasama sa gun ban, basta’t kumuha sila ng awtorisasyon mula sa COMELEC at magsuot ng prescribed uniform ng ahensya habang gumaganap sa opisyal na tungkulin sa panahon ng halalan.
Naglabas na rin ng guidelines ang Comelec para sa mga itinayong checkpoint sa buong bansa para masiguro na maipapatupad ang pagbabawal sa mga baril at iba pang nakamamatay na armas.