PATULOY ang paglobo ng halaga ng pinsala na iniwan ng Bagyong Agaton sa sektor ng agrikultura.
Batay sa datos ng Department of Agriculture (DA), pumalo pa sa P725.2 milyon ang pinsala sa agrikultura sa Western Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN at Caraga bunsod ng bagyo.
Nasa 19,424 naman na magsasaka ang naapektuhan.
Habang 17,925 na ektarya ng agricultural areas ang apektado at 41,580 metric tons ang volume ng production loss.
Kabilang sa mga nasira ang bigas, mais, high value crops at livestocks.
Samantala, permanente nang hindi makababalik sa kani-kanilang tirahan ang ilang residente sa Baybay, Leyte.
Ayon kay Baybay Mayor Jose Carlos Cari, ikinokonsidera na nilang isang danger zone ang Barangay Kantagnos o ibig sabihin ay hindi na maaaring tirhan ng mga residente.
90% sa Barangay Kantagnos ang na-washout ng Bagyong Agaton ayon sa lokal na pamahalaan kung saan maski isang tirahan ay walang natira.
Isang sitio din sa Brgy. Mailhi ang idineklara na danger zone ng LGU.
Kakausapin naman ani Mayor Cari ang mga apektadong residente para sa relokasyon ng mga ito.
Batay sa datos ng Agrometeorological Station sa Visayas State University, nagkaroon ng malaking landslide dahil sa malakas na buhos ng ulan na mas mataas pa sa 100mm average rainfall para sa buwan ng Abril.