PLA Southern Theater Command ng China nananatiling nakaalerto; PHL, binalaan na itigil na ang probokasyon sa SCS

PLA Southern Theater Command ng China nananatiling nakaalerto; PHL, binalaan na itigil na ang probokasyon sa SCS

SINABI ni Senior Colonel Tian Junli, tagapagsalita ng PLA Southern Theater Command, na ang Pilipinas ay madalas na humihingi ng suporta mula sa mga bansa sa labas ng rehiyon para i-organisa ang tinatawag na joint patrols.

Giit ng Chinese official, naglalayon lamang ito na palaganapin ang mga iligal na pag-aangkin ng Pilipinas sa South China Sea. Sa gayong paraan, lumilikha aniya ito ng mga destabilizing factor at sadyang pinapahina ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

Kaya naman babala ng Beijing sa gobyerno ng Pilipinas, itigil na ang mga probokasyon at pagpapalala ng tensyon sa South China Sea.

Samantala, inilahad ng China na ang mga pwersa ng PLA Southern Theater Command ay nananatiling nakaalerto sa lahat ng oras, determinadong pinangangalagaan ang pambansang soberanya, seguridad, maging ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.

Ang pahayag ay kasunod ng ulat na nagpatupad ng exemption ang Estados Unidos sa Pilipinas mula sa foreign aid freeze nito, para tulungang i-upgrade ang military capabilities nito.

Inanunsiyo ito ni US Defense Secretary Pete Hegseth sa kanyang pagbisita kamakailan sa Southeast Asian nation.

Sinabi ni National Maritime Council (NMC) Spokesperson Alexander Lopez na noong Marso 28, nagkaroon ng multilateral maritime cooperative activity sa West Philippine Sea kasama ang tatlong barko—barko ng Pilipinas, Estados Unidos, at ng Japan. Ayon kay Lopez, mahalaga ito para sa pagpapatibay ng maritime security ng Pilipinas at interoperability sa mga kaalyadong bansa.

Ani Lopez, ipinapakita rin ng aktibidad ang kakayahan ng Pilipinas na ipagtanggol ang kanilang teritoryo at siguraduhin na ang buong kapuluan ng bansa ay mananatiling bukas at ligtas sa lahat ng gumagamit nito alinsunod sa international law. Itinatampok din ang pagsasanay at pagkakaisa ng mga bansa na may parehong adhikain o mga “like-minded nations.”

Inakusahan ng Tsina ang Pilipinas ng pagpapakalat ng maling akusasyon tungkol sa umano’y mga banta na naghihikayat ng komprontasyon at nagpapataas lamang ng tensiyon sa rehiyon. Iginiit ng Tsina na ang anumang kooperasyon ng Pilipinas kasama ang ibang bansa ay hindi dapat maglayong makasakit o makapinsala sa ibang panig.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble