BINATI ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang naging kahanga-hangang tagumpay ng 41 kasapi ng PNP matapos na pumasa sa katatapos lang na Bar Exam na isinagawa noong Setyembre 2023.
Ayon sa PNP, ang naipakita ng mga kawani ng organisasyon na kanilang kahusayan at dedikasyon ay hindi lamang nagpakita ng kanilang kasanayan sa larangan ng batas kundi ipinakita rin ang ‘di mabilang na dedikasyon ng PNP sa pagpapalago ng kultura ng patuloy na pag-aaral at propesyonalismo sa gitna ng kanilang mga miyembro.
Umaasa ang organisasyon na ang tagumpay na ito ay magagamit sa kanilang mga tungkulin sa law enforcement habang nakakayang tuparin ang masusing pangangailangan ng legal na edukasyon.
Ayon kay PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., tiwala siya na magpapatuloy ang mga ito sa paglilingkod nang may kahusayan, gamit ang kanilang legal na expertise upang palalimin ang pangako sa katarungan at serbisyong publiko.