NANAWAGAN si Senadora Grace Poe sa mga kandidato sa darating na halalan ngayong Mayo 2025 na gawing pangunahing adbokasiya ang kalusugan ng mga bata, partikular ang laban kontra malnutrisyon at pagkabansot.
Ayon kay Poe, ang pagpasa ng Republic Act No. 11037 o ang “Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act,” na siya ang pangunahing may-akda, ay naglatag ng matibay na pundasyon para sa mga feeding program na tumutugon sa gutom at malnutrisyon ng mga kabataan.
“Hindi tayo nagsisimula sa wala. Nariyan na ang mga programa at pondo para sa nutrisyon ng mga bata, ngunit kailangan natin ng mga lider na magsusulong at magpapatuloy sa adbokasiyang ito,” ani Poe, na kasalukuyang Chairperson ng Senate Committee on Finance.
“Nawa’y makapili tayo ng mga opisyal na naniniwalang ang kinabukasan ng ating ekonomiya ay nakaangkla sa ating mga kabataan,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng RA 11037, naisabatas ang School-Based Feeding Program (SBFP) at Supplementary Feeding Program (SFP). Ang SBFP na pinangungunahan ng Department of Education ay naglalayong tugunan ang kakulangan sa nutrisyon ng mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 6 sa pamamagitan ng pagbibigay ng masustansyang pagkain at gatas.
Mula School Year 2018-2019 hanggang 2023-2024, umabot sa mahigit 16 milyon ang nakinabang sa mainit na pagkain at food packs, habang mahigit 12 milyon naman ang nabigyan ng sariwang gatas.
Ngayong School Year 2024-2025, higit 2.2 milyong mag-aaral ang patuloy na pinakikinabangan ng programa.
Para sa 2025 national budget na inisponsoran ni Poe, umabot sa P11.7 bilyon ang pondo para sa SBFP — mas mataas ng P65.7 milyon kumpara sa 2024 budget. Nagdagdag rin siya ng probisyon upang masigurong ang malaking bahagi ng pondo ay direktang mapupunta sa pagbili ng pagkain, imbes na administrative expenses.
Samantala, sa ilalim ng SFP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot sa 9.5 milyong bata sa mga Child Development Centers at Supervised Neighborhood Play ang nabigyan ng masustansyang pagkain at gatas mula 2020 hanggang 2024.
Sa School Year 2023-2024 lamang, higit 1.8 milyong bata ang naabot ng SFP. Naitala rin ang malaking pagbaba ng bilang ng mga batang severely underweight at underweight mula 170,135 tungo sa 42,447 — katumbas ng 75% na improvement rate.
Bagamat positibo ang resulta ng mga feeding program, iginiit ni Poe na hindi dapat huminto ang mga programa.
“Malaking tagumpay na sa mga taon natin sa Senado, naisabatas natin ang feeding programs at nailaanan ng sapat na pondo,” ani Poe.
“Pero pagdating sa nutrisyon ng ating mga anak, hindi sapat ang diet-diet lang. Kailangang tiyakin nating may sapat silang pagkain upang maabot nila ang kanilang buong potensyal at maging produktibo,” pagtatapos niya.