POGO nagsisimula nang mag-operate bilang organized hubs sa halip na guerilla operations na lamang—PAOCC

POGO nagsisimula nang mag-operate bilang organized hubs sa halip na guerilla operations na lamang—PAOCC

MATAPOS ang deadline ng total shutdown ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa, ilang natitirang operators ang patuloy na nag-o-operate nang tago o guerilla style.

Pero ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), batay sa kanilang mga isinagawang operasyon, hindi na maituturing na guerilla operations ang ginagawa ng mga ito—bagkus, lumilitaw na bumabalik sila bilang mga organized hubs.

“Napapansin natin lately, medyo maramihan iyong mga nahuhuli natin. So, parang I would like to re-categorize them ‘no, so parang hindi na sila mga guerilla eh, kasi they’re beginning to appear like hubs more than guerilla operations,” saad ni Dir. Winston Casio, Spokesperson, PAOCC.
Isa sa mga patunay nito ay ang raid sa ATI Building sa Parañaque City, kung saan nasakote ang 147 foreign nationals—bukod pa sa mahigit 300 Pilipinong manggagawa.

Sa isa pang malakihang operasyon sa pakikipagtulungan ng mga local government units (LGUs), sinalakay naman ang One Wheels Condominium malapit sa ASEANA sa Pasay, kung saan 401 foreign nationals ang naaresto.

Ayon kay Casio, nangangahulugan ito na marami pang dayuhang manggagawa ng POGO ang nananatili sa bansa, kahit pa mahigpit na ipinagbabawal ang kanilang operasyon.

Higit pa riyan, lumalawak na ang sakop ng iligal na POGO operations—hindi na lang sa Metro Manila, kundi maging sa iba pang bahagi ng bansa.

“Now, iyong mga guerilla, nakita po namin that they’re all over the Philippines na rin po, in fact, we’ve been getting reports as far as Mindanao and the Visayas,” dagdag ni Casio.

Sa kabila nito, nananatiling pangunahing hotspot ang Metro Manila, partikular na ang mga southern areas nito, dahil sa konsentrasyon ng mga entertainment at casino centers.

Samantala, inaalam na ng mga awtoridad ang mga indibidwal na nasa likod ng mga iligal na operasyon upang mapanagot sila sa batas.

Tungkol naman sa mga naarestong foreign nationals, pinabibilis na ng PAOCC ang proseso ng kanilang deportasyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble