PARA sa mga drayber ng pampublikong sasakyan, delivery riders, at karaniwang konsumer na araw-araw umaasa sa gasolina o krudo, ang bawat sentimong dagdag sa presyo ng langis ay dagok sa kanilang kabuhayan.
Sa gitna ng mga araw-araw na gastusin, dagdag pasanin na naman ang posibleng oil price hike sa susunod na linggo.
Base kasi sa unang dalawang araw na trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) — ang pangunahing basehan ng presyo ng langis sa Asya — ay may indikasyon ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo o sa Hunyo 17.
Sinabi ito ni Department of Energy Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero sa isang public briefing nitong Miyerkules.
‘’Kung pagbabasehan po itong nakaraang dalawang araw na trading, mukhang pataas po ang direksiyon para sa increase by next week,’’ ayon kay Asst. Dir. Rodela Romero, Oil Industry Management Bureau, DOE.
Sabi ng opisyal, inaasahang tataas ng mas mababa sa P1 kada litro ang presyo ng langis. Gayunpaman, nilinaw niyang may tatlong araw pa ng trading na maaaring magbago pa sa final adjustment.
Ang magiging adjustment ay ibabase sa presyo ng langis mula Hunyo 2 hanggang Hunyo 6, at ito ang ihahambing para sa presyo sa susunod na linggo o sa Hunyo 17.
‘’Iyong update ng price for the week, will be compared sa previous week, that is week ng June 2 to 6. So, whatever the result, it will be completed po for next week or implemented for next week, June 17 po. So, sa ngayon po, nakikita nga po papataas po siya na less than P1 per liter,’’ saad ni Romero.
Isa, aniya, sa mga pangunahing dahilan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay ang mga kaganapang geopolitikal at ekonomikal sa pandaigdigang merkado.
‘’Base po sa monitoring natin sa mga relevant news sa international oil market, ang adjustment po ng increase ay attributed po, una, sa geopolitical factors, iyong escalating conflict po ng Russia at saka ng Ukraine at saka po iyong nuclear deal between United States at saka Iran,’’ dagdag nito.
Bukod dito, may epekto rin ang kasalukuyang trade talks sa pagitan ng United States at China, na nagbubunsod ng pagtaas ng inaasahang demand para sa langis.
Ang foreign exchange rate o ang halaga ng dolyar kumpara sa piso, ay may direktang epekto rin sa presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas dahil ini-import o binibili ito mula sa ibang bansa.
Ipinaliwanag ni Romero na kapag tumaas ang halaga ng dolyar, mas maraming piso ang kailangan para makabili ng parehong dami ng langis kaya tumataas ang presyo ng petrolyo sa lokal na merkado.