Sa paglapit ng pasukan para sa School Year 2025–2026, nagsagawa ng espesyal na market monitoring ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga tindahan ng school supplies sa Divisoria at National Bookstore sa Lucky Chinatown Mall, Binondo.
Pinangunahan mismo ni DTI Secretary Cris Roque ang pag-inspeksyon, kasama ang Fair Trade Group at Fair Trade Enforcement Bureau. Tiningnan nila ang presyo ng mga pangunahing gamit sa paaralan tulad ng mga notebook, lapis, krayola, at iba pang kagamitan upang masigurong sumusunod ang mga ito sa Suggested Retail Price (SRP) bulletin ng ahensya.
Ayon kay Secretary Roque, nananatiling abot-kaya ang school supplies sa Divisoria dahil karamihan sa mga tindero ay sumusunod sa itinakdang presyo ng DTI. Dagdag pa niya, kahit hindi obligado ng batas ang SRP, pinapayuhan ang mga tindahan na huwag magtaas nang sobra dahil sa matinding kumpetisyon sa merkado.
Payo ng DTI sa mga mamimili: ugaliing sumangguni sa kanilang SRP guide na makikita sa opisyal na website ng ahensya. Maaari ring i-report ang mga hindi sumusunod sa suggested prices sa pamamagitan ng pag-e-email sa [email protected] o pagtawag sa 1-384 consumer hotline.
Ayon kay Assistant Secretary Agaton Uvero ng DTI, bukas ang ahensya sa pakikipagdayalogo sa mga supplier kung sakaling mapansin ang hindi makatuwirang pagtaas ng presyo. Sa ngayon, nananatili ring matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng cup noodles, asukal, tinapay, kape, at sardinas.
Muling paalala ng DTI: mamili nang matalino, sundan ang price guide, at huwag mahiyang magsumbong sa mga hindi makatarungang presyo.