HINDI naging hadlang ang ulan sa dami ng mga dumalo sa event ni senatorial candidate Pastor Apollo C. Quiboloy at ng iba pang kandidato ng PDP Laban sa Tabaco, Albay.
Kilala ang Albay bilang isa sa mga lugar na madalas tamaan ng baha sa Bicol Region.
Ang topograpiya nito, na may mabababang lugar at malapit sa mga ilog, ay nagiging dahilan ng mabilis na pag-apaw ng tubig kapag malakas ang ulan.
Ang mga bayan tulad ng Legazpi, Polangui, at Libon ay madalas maaapektuhan, lalo na ang mga mabababang lugar.
Maraming proyekto ang isinasagawa upang mapagaan ang problema sa baha, tulad ng Bicol River Rehabilitation Project, flood control projects, at dredging operations.
Ngunit tila hindi pa rin nalulutas ang problema.
Ayon kay Noel Blanquisco, tumatakbong mayor ng Tabaco, ang kawalan ng pag-asenso sa paglutas ng isyu ng baha sa Albay ay maaaring maiugnay sa korapsiyon.
“Opo, hindi na po iyan maitatago at saka iyan naman po talaga ang puno’t dulo ng kahirapan—’yung corruption, kasi kung ang pondo napupunta sa tamang serbisyo, makikita natin kung anong klaseng pamumuhay ng tao,” ayon kay Noel Blanquisco, Mayoral Candidate, Tabaco City, Albay.
Naniniwala si Blanquisco na may solusyon sa problema ng baha, at umaasa siya sa tulong ni Pastor Apollo.
“Opo, malaki ang tiwala namin na malaki ang magagawa ng PDP, lalo na sa tulong ni Pastor Apollo Quiboloy, kasi nakita ko kung paano niya ginawa ang tinatawag na Kitbog at saka ‘yung Prayer Mountain o ‘yung Glory Mountain. Tiningnan ko kung paano na-develop ‘yun, eh lalo na siguro kung ito lang na simpleng flood control, hindi niya pa magawa? Madali lang sa kanya ‘yan,” dagdag ni Blanquisco.
Para kay Vivian, isang tubong Albay, si Pastor Apollo at ang ibang senatorial candidates ng PDP-Laban ang makakapagbigay ng solusyon sa matagal na nilang problema.
“Agree po ako diyan, agree-agree, kasi nakikita ko talaga kung paano tumulong ang KOJC, especially pagdating po sa mga sakuna, kalamidad. Talagang to the rescue po talaga sila, nakikita ko po iyan sa television,” wika ni Vivian Monasterial, Taga-suporta ni Pastor ACQ, Ligao, Albay.
Kahit hindi miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), naniniwala si Vivian na kung ano ang nagawa ni Pastor Apollo sa KOJC ay magagawa rin niya sa Bicol at sa buong Pilipinas.
“Naniniwala po ako na talagang ma-a-address kung ano ang mga pinagdadaanan namin sa Bicol, especially mga baha, kalamidad. Matutugunan agad ang mga pangangailangan, especially ng mga biktima ng kalamidad,” ani Monasterial.
Katulad ni Vivian, hindi rin miyembro ng KOJC si Janet, pero naniniwala siyang malaking pagpapala ang pagiging senador ni Pastor Apollo.
“Opo, lalo na sa Bicol, ang daming binabaha. Kaya ‘yun ang gusto kong matupad, magawa ni senador.”
“Pastor, ako po ay nananawagan sa inyo. Marami pa kasing binabaha dito sa lugar namin, sana iyon ay matugunan,” saad ni Janete Garcia, Taga-suporta ni Pastor ACQ, Tabaco, Albay.
Ayon kay Benny Buebo, isang campaign officer sa Albay, bukod sa paglutas ng problema sa baha, hinihiling din ng mga Bicolano ang pagtatayo ng ospital at pagpapabuti ng edukasyon sa rehiyon.
“Sinasabi ng mga tao dito na ayusin ang mga kanal, flood control, kasi nga hindi maiwasan talaga, kasi halos sea level ang baha dito, lalo na sa Legazpi. Kaya sa kahilingan nila tungkol sa flood control, ang mga kanal kailangang maayos talaga. At nakikita nila sa clean-up drive ni Pastor Quiboloy, kahit saan. Kaya ang hiling nila, sana magkaroon din dito.”
“Lalo na ‘yung tungkol sa health, kasi kung magkasakit ang mga tao dito, dadalhin pa sa malayo, sa Legazpi. Sapagkat ang maraming ospital dito ay wala namang kumpletong gamot, at kung ang facilities nila ay titingnan, hindi rin naman naaayon. At noong nandoon kami sa Sto. Domingo, ang kahilingan nila talaga kay Pastor, kung maging senador na siya, ay magkaroon talaga ng ospital,”ayon kay Benny Buebo, Campaign Officer, PACQ for Senator Movement Campaign, Albay, Bicol.