Produksiyon ng gatas sa Pilipinas, bumaba

Produksiyon ng gatas sa Pilipinas, bumaba

ANG pag-inom ng gatas ng kalabaw, baka, at kambing ay nagbibigay benepisyo o mga nutrisyon sa kalusugan ng tao.

Sagana kasi ito sa calcium, protina, at Vitamin A na malaking bagay upang mas maging malusog ang pangangatawan.

Pero, sa kasamaang palad mababa lamang ang produksiyon ng gatas sa Pilipinas.

Sa datos ng Dairy Confederation of the Philippines, nasa 30,000 metriko tonelada lamang ng gatas ang napro-produce kada taon na malayo sa 3.3 milyong MT na demand.

Kabilang sa mga dahilan ng kakulangan ng produksiyon ay tuwing panahon ng tag-init dahil hirap sa suplay na ipapakain sa mga alagang hayop.

“Pati ‘yung pagpapaligo mo dati umaga at hapon ngayon araw-araw o maya’t maya para sa init. Kaya, naapektuhan kami pati ‘yung aming forage ‘yung aming kinakain. Silage at tsaka ‘yung mga damo dahil natuyo ‘yung nutrisyon na kinakain ng hayop ay bumaba. So, you will now dependent sa commercial feeds which is expensive so ‘yun ang epekto ng El Niño,” pahayag ni Danilo Fausto, President, Dairy Confederation of the Philippines.

Apektado rin dito si Luzviminda Giangan na isang dairy producer ng Ruminant Raisers mula sa San Antonio, Quezon.

“Kakaunti ‘yung pakain, nagiging less ang production namin, nagiging kakaunti ‘yung gatas… Usually, kapag marami kaming pakain sa animals, 3 to 4 liters ang nakukuha a day per goat o per head. So, medyo nag 2 to 3 lang kami ngayon dahil medyo nakulangan tayo sa forages,” ayon kay Luzviminda Giangan, Dairy Producer, Ruminant Raisers, San Antonio, Quezon.

Bukod sa mainit na panahon, problema rin sabi ni Fausto ng Dairy Confederation of the Philippines tuwing tinatamaan ng flu at foot and mouth disease ang isang hayop.

Sa kaniya kasi 20 porsiyento na kita niya ang nawala matapos magkasakit.

Hindi ito natutugunan dahil mismong ang National Dairy Authority (NDA) ng Department of Agriculture (DA) ay walang laboratoryo o pasilidad upang masuri ang sakit na tumama sa isang hayop.

Kaya, ito na aniya ang isa sa mga prayoridad ngayon ng NDA na mapatayo sa anim na NDA regional offices sa bansa.

Dahil kulang sa produksiyon, sagot ng DA ay importasyon.

“Kung gusto talaga natin magtaas at least and this was already proposed wala pa namang final dito ay 5,000 herd… that can bring us to that target,” wika ni Atty. Gavino Alfredo Benitez, OIC-Administrator, NDA.

Ayon kay DA Undersecretary for Livestock Deogracias Savellano, 99 porsiyento ng gatas ay inaangkat ng Pilipinas.

Kaya, nais ng ahensiya na itaas ang lokal na produksiyon sa 5 porsiyento sa pamamagitan ng pag-aangkat ng mga kalabaw at baka.

“Kasi kung bibili lang tayo kunwari galing Bohol tapos ililipat mulang sa Luzon ay hindi tayo nagpaparami. So, para makapagparami tayo dapat mag-import tayo ng mga magagandang genetic para from there ay makakapag-develop tayo ng dairy industry natin,” saad ni Deogracias Savellano, Undersecretary for Livestock, DA.

Suportado ito ng Dairy Confederation of the Philippines ngunit ang tanong sapat ba ang pondo ng NDA.

Sabi kasi ni Atty. Benitez, OIC-Administrator ng ahensiya nasa P522-M ang pondo nila ngayong 2024.

‘Yun nga lang mas mababa na ang pondo ng NDA para sa 2025 na nasa P420-M.

Para sa Dairy Confederation of the Philippines, malabong maabot ang target na produksiyon na sinasabi ng ahensiya.

“Sa pondo, kulang na kulang. Kami naman gumagawa kami ng paraan,” dagdag ni Savellano.

“Impossible ngayon P522 million ang budget ng National Dairy Authority tapos ang proposal ay P410 mas bumababa pa… Hindi pa enough, ‘yun lang ating flood control project ay mahigit P200 billion, ‘yung ating farm to market projects ay nasa P90 billion kaunti lang naman hinihingi natin 1 to 2 billion pesos na dagdag,” ani Danilo Fausto, President, Dairy, Confederation of the Philippines.

“We are confident that our budget now as well as the coming years. We, I feel we have the good chance of attaining it,” ayon kay Atty. Gavino Alfredo Benitez, OIC-Administrator, NDA.

Follow SMNI NEWS on Twitter