SA isang public briefing, sinabi ng National Dairy Authority (NDA) na lubhang napakababa na ng milk sufficiency sa bansa.
“Ang dairy industry ngayon sa kasalukuyan, medyo mababa talaga ang ating milk sufficiency.”
“Nasa one point something percent lang ang ating milk sufficiency. Sa Vietnam po kasi, ang kanilang milk sufficiency ay nasa 40 to 45 percent,” pahayag ni Atty. Marcus Antonius Andaya, Administrator, National Dairy Authority.
Dagdag pa ni Atty. Andaya, isa sa mga dahilan ng mababang milk sufficiency ay ang mabilis na paglobo ng populasyon.
Sa ngayon, nasa 112 milyon ang populasyon ng Pilipinas. Ayon sa NDA, bawat Pilipino ay kumukonsumo ng tinatayang 17 litro ng gatas kada taon.
“Kung iyan po ay imu-multiply ninyo sa 112 million, iyong 17 liters per capita, ang total demand po sa dairy ay umaabot ng 1.9 billion liters. Subalit ang napo-produce po natin ngayon, gaya ng nasabi ko kanina, nasa 29 million liters lamang —lubhang napakababa,” dagdag ni Andaya.
Bilang tugon, kabilang sa mga hakbang ng NDA ang pagpaparami ng source ng gatas— ang dairy animals.
“So, iyan po ang aming challenge ngayon. Kailangan po namin maparami at mapalakas ang paggagatas ng mga dairy animals natin,” aniya.
Mababatid na ang CALABARZON, Western Visayas, at Northern Mindanao ang mga rehiyong may pinakamalakas na produksiyon ng gatas sa Pilipinas.
Ipinahayag din ni Andaya na malaki ang epekto ng El Niño sa dairy farming, dahil apektado nito ang mga pananim na kinakain ng mga baka, kambing, at kalabaw.
Sa harap ng tagtuyot, aniya, hirap ang mga magsasaka sa paghahanap ng pagkain para sa kanilang mga alagang hayop.
Noong panahon naman ng La Niña, maraming dairy farm at imprastraktura ang nasira, habang ang ibang magsasaka ay nawalan ng mga alagang hayop.
Ang NDA ay nilikha sa ilalim ng Republic Act 7884 o National Dairy Development Act of 1995. Kabilang sa mandato nito ang paggawa ng mga polisiya at pagpapatupad ng mga programa upang palakasin ang dairy industry sa bansa.
Iniulat ng NDA na ang milk production ng bansa ay umabot lamang sa 29 milyong litro noong 2024. Target naman ng ahensya na maabot ang 35 hanggang 39 milyong litro ngayong 2025.