IKAKASA na ang ‘Bayanihan, Bakunahan’ Part 4 program ng gobyerno sa buwan ng Marso.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na prayoridad sa gagawing ika-apat na yugto ng National Vaccination Days ang mga kabataan at senior citizens.
Saysay ni Duque, palalakasin pa nila ang pagbabakuna sa primary doses para sa mga pediatric age group.
Habang patataasin din ng pamahalaan ang pagbibigay ng booster shots para sa nakakuha na ng kumpletong COVID-19 vaccine doses.
“Itong Marso sa susunod na buwan ay nakakasiguro po kayo na magpapaganap na naman po tayo ng National Vaccination Day 4, iyong ating mga senior citizens uunahin po natin sila. Ang atin pong mga pediatric age groups na 5 to 17, 5 to 11 and 12 to 17,” pahayag ni Duque.
Kung matatandaan, bigong naabot ng gobyerno ang target na limang milyon noong Bayanihan, Bakunahan Part 3 na tumagal mula Pebrero 10 hanggang 18.
Nasa 3.5 million lamang na mga indibidwal ang nabakunahan kontra coronavirus sa naturang nationwide vaccination.
Samantala, gumagawa na rin ng istratehiya ang pamahalaan upang marami pang indibidwal ang mahikayat na magpa-booster shot.
Sinabi ni Duque na palalakasin nila ang house-to-house immunization campaign laban sa COVID-19.
“Tinitingnan na natin ang National Vaccine Operation Center iyong house-to-house campaign na maidala. Kasi may mga matatanda naka-wheelchair, may mga matatanda hindi na makalakad at doon na lamang sila sa kanilang mga tahanan o iyong iba takot lumabas, so ipapaabot na natin sa kanila sa pamamagitan ng house-to-house immunization campaign [bilang] isa sa ating mga istratehiya para mapataas ang ating booster dose coverage,” ayon sa kalihim.
Sa kabilang banda, inilahad ni Dr. Jose Rene de Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines ang pagsusumikap ng mga pribadong ospital para matulungan na mas mahikayat ang publiko na magpabakuna ng booster dose.
Saad ni Dr. De Grano, nakipag-ugnayan na rin sila sa local government units (LGUs) maging sa DOH para lang talaga maikalat na importanteng magpaturok ng booster dose.
“Kasi ang dami po talagang sobrang mga booster doses na hindi nagagamit, eh sana naman po bago ito mawalan ng bisa ay maipagkaloob natin kasi ito naman po ay mga libre,” ani De Grano.
Sa katapusan ng Marso, target ng gobyerno na makapag-fully vaccinate ng 77 million na mga Pilipino.
Sa Hunyo 30 naman bago bumaba sa pwesto si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, ay tinarget ng pamahalaan na makapagbakuna ng full dose kontra COVID-19 ng 90 million na mga indibidwal.