INIHAYAG ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagnanais nitong makalabas at makipagkita sa publiko nang personal sa kabila ng banta ng COVID-19.
Sinabi ng Pangulo na igigiit niya ang kagustuhang makalabas kahit pa pinayuhan siya ng kaniyang doktor na hindi ito pupwede.
Dagdag pa ni Duterte, handa naman siyang bawian ng buhay sakaling tamaan ng napakadelikadong Delta variant dahil sa kagustuhan na makipagkita nang face to face ang publiko.
“Gusto kong pumunta, magpa-plano ako — nandiyan naman siguro ‘yung doktor ko, tawagan ko. Magplano ako, sabihin ko sa kanya huwag mo akong pilitin, dok, na hindi makalabas kasi ‘yung mga tao gusto akong makita. Sabi nila sa virtual lang happy na sila. Bahala na ang Diyos sa akin kung anong mangyari. Kung dadapuan ako ng Delta, wala na,” pahayag ng Pangulo.
Ani Pangulong Duterte, sakali mang may mangyari sa kanya ay nariyan naman si Vice President Leni Robredo para papalit sa kaniyang katungkulan.
“Nandiyan naman si Leni Robredo ang sa succession. Eh ‘di kahit sa kanya na. Ayaw ko — ‘pag iyan ba ang suwerte ko sa pagsisilbi ng tao, mamamatay ako, eh ‘di mamamatay ako. Lahat naman tayo dito may panahon-panahon sa mundo,” ani Duterte.
Matatandaang una nang nilinaw ng Malakanyang na walang anumang sakit at nananatiling “fit and healthy” si Pangulong Duterte sa kabila ng kaniyang edad na 76.
Kasabay nito, muling tiniyak ni Pangulong Duterte na nagtatrabaho nang maigi ang mga manggagawa sa gobyerno.
“I would like to assure the Filipino that kami po dito ay workers of government. Ang trabaho namin may kanya-kanya kaming trabaho. Huwag ninyo — kalimutan na ninyo ‘yang mga presidente presidente, iyong mga Excellency Excellency, hindi ko kailangan iyan pati ng mga Cabinet members,” ayon pa sa Pangulo.
Binigyang diin ni Pangulong Duterte na lahat ng mga nasa pamahalaan kasama siya ay trabahante ng gobyerno na tapat na nagsisilbi sa mga tao.
“We are just workers of government and we will work for the people. Iyan ang tandaan ninyo. Wala ako — wala kaming illusions diyan sa mga presidente presidente, Excellency Excellency. Ang amin ho ang tingin ko sa atin ay talagang trabahante ng gobyerno kaya trabaho tayo. Kalimutan na ninyo ‘yang mga ano na mahiya kayo. Eh, trabaho namin ‘yan,” dagdag ng Pangulo.