PRRD: Umiiral na batas ukol sa pagdedeklara ng state of calamity, kailangan nang repasuhin

HINIMOK ngayon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Kongreso na repasuhin na ang batas kaugnay ng pagdedeklara ng state of calamity.

Kasunod ito ng epekto ng pagtama ng Bagyong Odette sa ilang bahagi ng bansa.

Inihalad ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan nang repasuhin ang batas na nagre-require muna ng assessment of reports sa pinsala sa isang lugar bago magdeklara ng state of calamity.

Maaaring tinukoy dito ng Punong Ehekutibo ang Republic Act No. (RA) 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Kamakailan lang humingi ng paumanhin si Pangulong Duterte bunsod ng hindi pagdedeklara agad ng state of calamity sa mga rehiyon na tinamaan ng Bagyong Odette.

Binanggit ng Chief Executive na nahahadlangan ng umiiral na batas ang pagtugon sana kaagad ng gobyerno para sa rehabilitasyon at relief efforts sa mga sinalantang lugar.

Kaya naman, hinikayat nito ang Kongreso pati ang susunod na magiging presidente ng bansa na repasuhin ang naturang batas.

Noong Disyembre 21, idineklara ni Pangulong Duterte ang state of calamity sa anim na rehiyon sa bansa.

State of Calamity

  • Region 4B (MIMAROPA)
  • Region 6 (Western Visayas)
  • Region 7 (Central Visayas)
  • Region 8 (Eastern Visayas)
  • Region 10 (Northern Mindanao)
  • Region 13 (CARAGA Region)

Gobyerno, may sapat na pera para mabigyan ng P5K kada pamilya na biktima ng Bagyong Odette

Samantala, binigyang diin ni Pangulong Duterte na may sapat na pondo ang gobyerno para makapagbibigay ng P5, 000 pinansyal na tulong sa bawat pamilya na naapektuhan ng pananalasa ng nagdaang Bagyong Odette.

Una nang ipinangako ni Pangulong Duterte na lilikom siya ng P10 billion para sa rehabilitation at recovery efforts sa mga lugar na hinagupit ng nagdaang bagyo.

Ibinahagi pa ng Punong Ehekutibo na magkakaloob din ang National Housing Authority ng P100 million na tulong sa bawat probinsiya na tinamaan ng Bagyong Odette.

Bukod sa mga nabanggit, iniutos din ni Pangulong Duterte sa mga military at police na gamitin ang lahat ng government assets para suportahan ang recovery at rehabilitation efforts sa mga komunidad na sinalanta ng kalamidad.

SMNI NEWS