Puto Festival sa Calasiao, Pangasinan, handa na sa 7-araw na selebrasyon

Puto Festival sa Calasiao, Pangasinan, handa na sa 7-araw na selebrasyon

INILATAG ni Calasiao Mayor Kevin Roy Macanlalay ang naging paghahanda nito para sa nalalapit na Puto Festival ng kanilang bayan sa darating na Disyembre.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI North Luzon kay Mayor Kevin Macanlalay, Disyembre 7 magsisimula ang Puto Festival 2023 na magtatapos ng Disyembre 14.

“Ah, mag-start tayo ng December 7 for the Puto Festival ngayon, ang traditional events ‘yung 101 ways to serve puto, tapos ‘yung puto making ‘yung puto design na ano meron din yun,” ayon kay Mayor Kevin Roy Macanlalay, Calasiao, Pangasinan.

Maliban sa nabanggit na mga aktibidad ay magkakaroon din ng Miss Puto Queen at tugtugan ng mga local bands.

Plano rin ni Mayor Macanlalay na ikontak ang national bands at artists sa nasabing selebrasyon kung sakaling pabor ito sa kanilang mga schedule.

Kuwento ni Macanlalay, itinatag ang Puto Festival sa panahon ng kaniyang ama mahigit dalawang dekada na ang nakararaan na naging pasimula para makilala ang bayan ng Calasiao sa bansa.

Umangat din aniya ang ekonomiya ng bayan sa panahong iyon dahil sa kanilang ‘one-town-one-product’ na puto na dinadayo ng mga turista.

“Father ko ang nag-establish nang magkaroon ng Puto Festival and malaking impact ‘tong Puto Festival sa amin dahil sa festival na ‘to dito nakilala ang bayan ng Calasiao and dito namin napalakas ‘yung benta ng product,” dagdag ni Mayor Macanlalay.

Kaugnay naman sa estado ng puto business ng bayan ngayon, ayon kay Mayor Macanlalay, matumal ang bentahan ng puto sa bahagi ng simbahan at sa harap ng plasa dahil madalang na lamang dumadaan ang mga sasakyan.

Ngunit ang kagandahan lang aniya ay natuto ang mga vendor na magbenta sa labas ng bayan.

“Magagaling kasi ang mga puto vendors and producers namin, hindi sila nag-stop doon na may opportunity outside Calasiao. So, ang kagandahan, natuto ang aming vendors na magbenta outside Calasiao,” ani Mayor Macanlalay.

Ayon sa alkalde, nagkaroon ng tindahan o paglagakan ng kanilang mga produkto ang mga vendor ng Calasiao sa La Union, Pampanga, Baguio, Manila, Bulacan, at iba pang lugar.

Ayon naman sa isang puto vendor na si Teresita Perez ng Mersing Puto Food Stall, nanatili pa rin ang dating halaga ng kanilang puto sa kabila na tumataas ang presyo ng mga sangkap nito.

Aniya, matumal ang bentahan ng kanilang puto sa regular days ngunit mas marami ang kanilang benta sa buwan ng Enero tuwing uwian ng mga turista.

“Sa Puto Festival, ‘pag may mga dayong pumupunta dito nakakabenta rin nang kunti tapos ang karamihan talaga pag sa uwian na nila pagkatapos ng New Year,” ayon kay Teresita Perez, Puto Vendor, Mersing Puto Food Stall.

Positibo si Perez na ngayong Kapaskuhan ay mas dadami pa ang kanilang benta at hinihikayat nito ang mga bisita sa Calasiao na subukan ang ipinagmamalaki nilang puto na purong bigas.

Sa darating na Puto Festival, umaasa rin si Macanlalay na masisiyahan ang kaniyang mga kababayan sa kabila ng simpleng selebrasyon nito at maraming turista ang dadayo sa kanilang lugar para matikman ang sarap ng kanilang puto.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble