Reading at comprehension skills ng mga estudyante tinutukan sa Brigada Eskwela

Reading at comprehension skills ng mga estudyante tinutukan sa Brigada Eskwela

HINDI lang pagkukumpuni ng mga silid-aralan at pagpapaganda ng school facilities ang prayoridad ngayong Brigada Eskwela. Binigyang-pansin din ngayon ang reading at comprehension skills ng mga mag-aaral.

Mahilig sa libro ang 11 taong gulang na si Jhanielyn Vigarde, isang Grade 7 student ng North Fairview High School sa Quezon City.

Kaya nang makita ang book corner sa kanilang paaralan, hindi siya nagdalawang-isip na kumuha ng mga librong libreng ipinamahagi.

“Gusto ko pong magbasa.”

“Madami po ako natutunan kasi po ang ang dami pong magandang asal na ipinapakita,” ayon kay Jhanielyn Vigarde, Grade 7 Student, North Fairview High School.

Kuwento ng kaniyang ina na si Jonielyn, pagbasa ng libro ang paboritong bonding moment nilang mag-ina.

“Bonding moment namin ‘pag gabi iyan. Nagbabasa. Kasi para po maano namin ‘yung isat isa.”

“Natutuwa ako kasi hindi siya masyadong nag-aano sa gadget. Hindi masyado expensive. Hindi kami load nang load, Wi-Fi. Libro lang. Sa lahat ng anak ko sa apat siya lang po mahilig sa libro,” wika ni Jonielyn Vigarde, Ina ni Jhanielyn.

Ang book corner ay bahagi ng Brigada Eskwela 2025 sa North Fairview High School, kasabay ng tema nitong “Sama-sama para sa Bayang Bumabasa.”

Kabilang din sa mga pangunahing aktibidad sa Brigada ay ang reading at storytelling sessions bukod sa clean-up drives at pagkukumpuni ng mga pasilidad sa paaralan.

Ayon kay Dr. Rodel Frias, principal ng North Fairview High School, hindi maikakaila ang seryosong hamon sa reading skills ng ilan sa kanilang mga mag-aaral.

“Reading talaga ‘yung priority. Dito nga sa North Fairview may mga estudyante tayo na nakakarating ng high school na hindi talaga marunong magbasa. May mga Grade 7 na hindi nakaka-recognize ng mga salita. At mayroon namang umaabot ng Grade 10 na nakaka-recognize pero mabagal pero hindi nauunawan ang binabasa. ‘Yun nga kailangan natin tutukan ang pagbabasa dahil ang pagbabasa is prerequisite skill to learning other subject areas,” ani Dr. Rodel Frias, Principal, North Fairview High School.

Bukod sa libreng libro, isinusulong din ng paaralan ang pagpapaayos ng kanilang school library at paglalagay ng reading nooks sa bawat gusali.

“Magkakaroon din kami ng reading books sa bawat buikdina para ang mga bata ay maengganyong magbasa at matutong magbasa ng libro. Hindi lamang palagi ang kanilang gadget ang ginagamit.”

“As much as possible ‘yung habit na ‘yun ng mga bata na magbasa talagang ‘yun ang ini-encourage namin,” saad ni Cleofe Culala, Brigada Eskwela Focal Person, North Fairview High School.

Habang papalapit na ang pagbubukas ng klase sa Hunyo 16 para sa School Year 2025–2026, nanawagan ang Department of Education sa mas maraming volunteers mula sa iba’t ibang sektor na makiisa sa Brigada Eskwela 2025.

Tatagal ang Brigada Eskwela hanggang Hunyo 13.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble