UNAHIN na sana ng mga senador ang pagkakaroon ng reporma sa edukasyon.
Ito ang hinaing ng mayorya sa mga Pilipino batay sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Mayo 2–6, 2025.
Sa katunayan, 87% ng respondents batay sa survey ang nagsusulong ng reporma sa edukasyon.
Bilang tugon na rin ito sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA) kamakailan na may 5.58M Pilipino na kahit nakatapos ng junior high school ay itinuturing pa ring ‘functionally illiterate.’
Maliban naman sa edukasyon ay 83% ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat suportahan ang pagpapaunlad ng agrikultura.
May 82% ring nagsabi na dapat pagtuunan ng Senado ang pamumuhunan sa healthcare systems habang 79% ang nagsabing dapat palawakin ang social welfare programs para sa mga pamilyang mababa ang kita.
74% rin ng mga respondent ang umaasang tutugunan ang panawagang dagdagan ang minimum na sahod at 73% ang nagsabing dapat pagtuunan ng pansin ang pagpapalago ng trabaho.
Ang survey ay nilahokan ng 1,800 rehistradong botante bilang respondents.