Roque kay Marcos Jr.: Bakit gusto mong magka-giyera?

Roque kay Marcos Jr.: Bakit gusto mong magka-giyera?

IPINALIWANAG ng isang int’l law expert kung bakit sa tingin nito ay pinalalala ng Marcos Jr. administration ang problema sa West Philippine Sea (WPS).

Tumitindi ngayon ang girian ng China at Pilipinas sa South China Sea o West Philippine Sea (WPS) dito sa atin.

Kamakailan ay binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard (CCG) ang supply boat ng Pilipinas para sa mga sundalong naka-istasyon sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.

Naunang sinabi ng CCG na may dalang repair supply ang bangka ng Pilipinas kaya nila ito binomba ng tubig.

Labag anila ito sa kasunduan ng Pilipinas at China na magdala ng pang-kumpuni sa sumadsad na barko sa pinag-aagawang teritoryo.

Paliwanag naman ng international law expert na si Atty. Harry Roque, may paraan silang ginawa noon sa Duterte administration para hindi lumalala ang tensiyon.

“Kung iisipin ninyo, napakabulok na ‘yang Sierra Madre na ‘yan. Kung pagkain at tubig lang ang pinapadala sa anim na taon eh baka siguro lumubog na ‘yan. Pero may diperensya! Ang deperensya noong nalaman natin na nagkakaroon ng water cannon incident dahil sa pagpapadala ng supplies, diskarte ang ginamit ni Presidente Duterte. Hindi ako naniniwala na walang repair na nangyari kasi lulubog na ‘yan otherwise! Pero diniskartehan! Huwag niyong iwagayway. Ang nangyayari ngayon, winawagayway ng administrasyon ni PBBM ‘yung pagpapadala ng construction supplies na alam nilang nagiging dahilan kung bakit nagkakaroon ng water cannon incident,” pahayag ni Atty. Harry Roque, International Law Expert.

Nakikita naman ni Roque na sinasadya ang mga pang-uurot sa China para galitin ang taumbayan upang matabunan ang mas mahahalagang problema na dapat solusyunan ng gobyerno.

“Bakit nila winagawayway? Eh pwede namang diskartehan ‘yan na gaya ng ginawa ni Presidente Duterte. Dahil nga gusto nila na uminit, mag-mukhang aping-api ang mga Pilipino—para malinlang ang mga Pilipino—malihis ang tunay na mga isyu. Sino ngayon ang nag-iisip na ang talagang ang problema ng Pilipinas ay mataas na presyo ng bilihin, ang kawalan ng trabaho, ang mababang mga sweldo! Eh ginagalit tayo ng Marcos administration,” ayon pa kay Roque.

Ang kailangan ani Roque ay matupad ang pangako ni Marcos Jr. noong eleksiyon na gawing bente pesos ang presyo ng bigas.

Na huwag iligaw ang taumbayan sa isyu ng maritime dispute.

At iiwas sa giyera at kapahamakan ang mga Pilipino.

“So ang tanong ko kay PBBM, Bakit gusto mong magka-giyera? Para lamang malihis ang tunay na issue na walang nangyari sa pangako mo na bente pesos kada kilo? At dahil diyan, gusto mong malihis ang isyu, nais mong makitang mamatay ang mga sundalong mga Pilipino?” diin nito.

Naniniwala naman si Roque na hindi makikipag-giyera ang mga Amerikano para sa ating mga Pilipino kontra China.

At ang mangyayari, magpapadala lamang ang kano ng mga armas at gamit pandigma at isusubo ang mga sundalong Pinoy sa bakbakan.

“Nilalagay mo sa alanganin ang ating mga kasundaluhan dahil alam mo naman na hindi ito isang giyera na ating mapapanalo. Ang inaasahan mo, sasaklolo si Uncle Sam pero mabibigo dahil nga ang mamatay—ang mga kasundaluhang Pilipino. Mahirap na nga, inilaban pa sa giyera na hindi mapapanalo,” aniya.

Follow SMNI NEWS on Twitter