Samal Island temporaryong ipasasara ang lahat ng mga resort

Samal Island temporaryong ipasasara ang lahat ng mga resort

KAMAKAILAN lamang ay ipinag-utos ng Island Garden City of Samal ang temporaryong pagsuspendi ng lahat ng resort operations sa siyudad sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 at sa mga karatig na local government units (LGUs).

Kahapon lamang ay inilabas ni Samal Mayor Al David Uy ang Executive Order No. 291, Series of 2021, na temporaryong nagsuspinde sa lahat ng resort operations sa siyudad simula bukas, Hunyo 1 hanggang Hunyo 14.

Kabilang na rin dito ang mga pagtitipon-tipon sa mga private resort at establishments.

Ayon sa EO, namataan ng siyudad ang clustering ng COVID cases, dahil na rin umano sa mga pagtitipon-tipon at iba pang aktibidad, sa mga transmission sa palengke, mga lugar na pinagtatrabahuhan, at iba pang lugar.

Kaya naman, upang maiwasan ang pagkakaroon ng community transmission, napagpasyahan ng siyudad na ipatupad ang nasabing preventive measure.

Paliwanag ni Uy na upang mas maiwasan ang paglobo pa ng kaso ng COVID-19 sa Island City ay kinakailangang pansamantalang isuspende ang mga resort operation, at lahat ng tourism activities sa lugar.

Samantala, makatatanggap naman ng assistance mula sa city government ang mga apektadong resort workers sa ilalim ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Exempted naman sa nasabing EO ang Department of Tourism (DOT) star-rated resorts, na maaaring mag-operate kung may sertipikasyon ito sa kagawaran kung saan ay pumasa ito sa staycation program ng ahensya.

SMNI NEWS