BITAYIN ang mga drug informant partikular na ang mga naging sanhi ng recycling ng iligal na droga sa bansa.
Ayon ito kay Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa bilang tugon sa napaulat na 30%-70% sa mga nakumpiskang iligal na droga ay naibabalik lang din sa mga lansangan.
Nauna nang sinabi ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Rep. Ace Barbers na may mga drug informant na humingi ng droga bilang balato imbis na reward money matapos makapagturo sa sinumang sangkot sa kalakaran nito.
Sa pinakahuling pagdinig pa ng komite, nadiskubre ni Rep. Barbers na mahigit 20 taon nang ginagawa ang recycling ng droga.
Ngayon, suhestiyon ni Dela Rosa, gamitin na ang whistleblower para makasuhan na ang mga sangkot sa drug recycling.
Sinabi rin ni Dela Rosa na magandang maamyendahan ang batas gaya ng ‘rules of court’ para agaran nang masira ang nakumpiskang droga imbis na ilalagay muna sa kustodiya ng Philippine Drug Enforcement (PDEA), Philippine National Police (PNP) at mag-antay ng court orders.