AABUTIN hanggang sa Sabado, Nobyembre 4, 2023 ang pananatili sa bansa ni Japan Prime Minister Fumio Kishida.
Kung kaya’t hindi basta-basta ang preparasyon ngayon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa ilalatag na seguridad nito para sa delegado ng Japan.
Ayon kay PNP PIO acting chief police Colonel Jean Fajardo, matagal na nilang napaghandaan ang pagdating ni Prime Minister Kishida at maging sa iba pang pagdating ng mga mahahalagang tao na bibisita sa bansa.
Inaasahang magpapalitan ng kuru-kuro ang dalawang lider patungkol sa regional at international issues at muling pagtitibayin ang malalim na ugnayan para sa mas maigting na strategic partnership.
Matatandaang nagsagawa si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ng kaniyang opisyal na pagbisita sa Japan noong Pebrero 2023, kung saan nakapag-uwi ito ng $13-B na halaga ng mga kasunduan na inaasahang magbibigay ng dagdag na trabaho para sa mga Pilipino at magpapaangat sa ekonomiya ng bansa.