Seguridad sa papalapit na Undas, babantayan ng mahigit 18K pulis—PNP PIO

Seguridad sa papalapit na Undas, babantayan ng mahigit 18K pulis—PNP PIO

MAY kabuuang 18,802 na police personnel ang ipakakalat ng PNP sa buong Metro Manila.

Ang nasabing bilang ay ilalagay sa mga pangunahing lugar gaya ng memorial parks, mga sementeryo at maging sa mga transport terminal simula sa katapusan ng buwan ng Oktubre hanggang sa pagtatapos ng Undas ngayong taon.

Sa pulong balitaan sa Kampo Krame, kinumpirma ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo ang paghahandang ito para na rin sa kapakanan ng publiko.

“Meron naman tayong mga sinusunod na mga security template pagdating sa ating mga recurring events year round at kasama na diyan ‘yung ating Undas at this year around 18,000 plus ‘yung ide-deploy natin na mga PNP personnel, to be exact nasa 18,802 ‘yung ating ide-deploy at kasama na sa ide-deploy diyan ‘yung mga ilalagay natin sa mga police assistance desks doon sa ating memorial parks at sa mga sementeryo pati na rin sa mga transport terminals to make sure na maalalayan natin ‘yung mga kababayan natin na magbibiyahe,” pahayag ni PBGen. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP-PIO.

May kaibahan nga lang aniya ngayon dahil sa ang ilang lugar sa bansa ay lubog pa rin sa tubig-baha.

Matatandaang hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang pagtulong ng PNP sa paghahanap sa mga nawawalang indibidwal bunsod ng pagguho ng lupa sa iba’t ibang lugar sa Kabikolan dulot ng Bagyong Kristine.

Sa kabilang banda, wala pang itinataas na alert status ang PNP sa buong bansa sa gitna ng paghahanda sa Undas pero ayon sa PNP, nakadepende ito sa desisyon ng field commanders batay sa sitwasyon ng seguridad sa kani-kanilang nasasakupan.

“Yes normally kapag may mga ganyan major events ay ‘yung ating mga field commanders are given discretion particularly the RDs to adjust ‘yung kanilang mga alert levels particularly in those affected areas na kasalukuyang ongoing ‘yung retrieval and relief operations. So if they think it is wise to maintain heightened alert level even beyond the Undas days ay binibigyan sila ng authority to make sure na ma-maintain nila yung peace and security sa kanilang mga respective areas of responsibility,” dagdag ni Fajardo.

Ngayon pa lang, hinihikayat na ng PNP ang publiko na gawin na ang pagpaplano sa mga pupuntahang lugar at siguraduhing may mapagkakatiwalaang tao na pag-iiwanan ng bahay o ‘di naman kaya ay isarado ito nang mabuti upang hindi maging target ng mga akyat-bahay o magnanakaw.

“Lagi nating paalala sa ating mga kababayan na magbibiyahe nang matagal at iiwanan nila ‘yung kanilang mga tahanan, pupuwede nilang ibilin ‘yan sa kanilang mga kaanak or mga kapitbahay at siguraduhin na kapag aalis sila ng bahay at magtatagal silang umalis ay siguraduhin nila na nakakandado ‘yung kanilang mga pinto, bintana para hindi sila manakawan,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble